'Parokya Ni Edgar' vocalist Chito Miranda decides to quit smoking
Kasabay ng pagpasok ng bagong taon, nagdesisyon ang 37-anyos na lead vocalist ng bandang "Parokya Ni Edgar" na si Chito Miranda Jr., na tumigil na sa paninigarilyo matapos magpa-executive check up sa St. Lukes Medical Center.
Sa isang Instagram post na inilabas ng mang-aawit nitong Miyerkules, inihayag ni Chito na, "Goodbye cigarettes :) it's been fun...but health is wealth. And wealth is wealth."
(Larawan mula sa Instagram account ni Chito Miranda)
Ayon sa post, kasama ni Chito sa naturang executive check-up ang gitarista ng "Parokya Ni Edgar" na si Darius Semaña.
Nabanggit din ng singer sa naturang post na bagamat naaaliw siya sa paninigarilyo, mas mahal niya ang pagtugtog sa banda at nais niyang magbanda hanggang tumanda.
"Nagpa-executive check up kami ni Darius sa St.Lukes. We're in pretty good shape daw... pero kelangan ko daw alagaan lungs and throat ko kung gusto ko kumanta at magbanda hanggang tumanda. I enjoy smoking, but I love playing in a band more... Rakenrol," saad sa post ni Chito.
Sa mga komento ng followers ni Chito, positibo at suportado naman nila ang desisyon nitong tumigil sa paninigarilyo. Sa katunayan, mahigit sa apat na libo ang likes ng kaniyang litrato sa Instagram at marami ring magandang kumento ang mga tagahanga nito.
jumesh2004: "Thats very good decision... as one of your million million fans... that's the best example you can give to us!!!"
zelletabs: "i admire you for loving music that much! para sa musikang pinoy! get well soon po @chitomirandajr :)"
happymiles: "You did a right decision! Bata ka pa you gonna recover fast. basta mag vitamins ka, kumain ng healthy food, lalo na ng gulay at fruits , and sleep 8 hours a day!"
Kahit naninigarilyo si Pangulong Benigno Aquino III, mahigpit pa rin ang kampanya ng pamahalaan laban sa naturang bisyo dahil sa masamang epekto nito sa kalusugan ng tao. Kabilang sa mga sakit na maaaring makuha sa paninigarilyo ay cancer sa baga, panunuyot ng balat, emphysema, at iba pang chronic lung diseases.
Ngayong 2014, muling tataas ang presyo ng sigarilyo dulot ng ikalawang bahagi ng implementasyon ng sin tax law. Batay sa lumabas na mga ulat, simula nitong Enero 1, 2014, madadagdagan ng P5 ang presyo ng bawat pakete ng sigarilyo. -- Mac Macapendeg/FRJ, GMA News