ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz
Vhong Navarro, na-ospital matapos bugbugin ng 6 na kalalakihan; sasailalim umano sa operasyon

Nagpapagaling ngayon sa isang ospital at sasailalim sa operasyon ang comedian-TV host na si Vhong Navarro matapos siyang bugbugin ng anim na kalalakihan sa The Fort, Taguig City, noong Miyerkules, January 22.
Sa ulat ni Arniel C. Serato na lumabas sa showbiz news website na Philippine Entertainment Portal (PEP.Ph) nitong Biyernes, sinabing nanggaling kay Direk Chito Roño ang impormasyon tungkol sa nangyari kay Vhong.
Si Roño ang talent manager ni Vhong.
Ayon sa ulat, limitado pa ang ibinigay na detalye ni Roño tungkol sa sinapit ng aktor.
“Kasi ayaw pa ng lawyers. Meron pa silang mga inaayos," nakasaad sa ulat. “Kung ano yung nasa balita, hanggang dun lang siguro ako puwedeng mag-reveal ngayon.”
Sinabing naganap ang pag-atake ng mga suspek kay Vhong sa isang condominium unit sa The Fort. Nagtungo umano doon ang aktor sa imbitasyon ng isang kaibigang babae na hindi binanggit ang pangalan.
Itinali raw at piniringan si Vhong ng mga suspek, binugbog, at hiningan pa diumano ng pera.
“Except that Vhong is badly mauled, ‘no, a, anim yata na tao, tinali siya, tapos inano siya…," dagdag na detalye umano ni Direk Chito sa PEP.
"You can imagine kung ano ang pinagdadaanan niya sa ngayon. So, hanggang dun lang ang aming ano… He is still up for surgery by Monday.," dagdag pa niya.
Mabuti naman daw ang kalagayan ng aktor at nakakagalaw ito at nakakapagsalita.
“Yeah, oo, nakakagalaw naman siya, pero hindi siya maayos. Nakakagalaw na naman siya, nakakapagsalita naman siya, nakakapagbigay naman ng statement, pero hindi pa siya ayos talaga,” anang batikang direktor.
Hindi binanggit sa ulat kung may nadakip ang mga nanakit kay Vhong.
Sinabi ni Direk Chito na wala pa siyang impormasyon kung kailan at ano ang kasong isasampa ng mga abugado nila laban sa mga suspek.
Tiniyak ng direktor na magbibigay ito ng karagdagang detalye sa darating na mga araw.
Samantala, dumagsa naman ang dasal sa mga social media tulad ng Twitter (#PrayForVhongNavarro) para sa mabilis na paggaling ng aktor.
Ilang larawan din ang naka-post sa internet na umano'y kuha kay Vhong matapos bugbugin kung saan makikita ang pamamaga ng mukha nito. -- FRJ, GMA News
More Videos
Most Popular