Abogado ni Vhong Navarro: ‘He is not a rapist’
Ang aktor-TV host na si Vhong Navarro ang biktima sa insidenteng nangyari sa isang condominium sa Bonifacio Global City noong Enero 22, ayon sa kanyang abogado.
Basahin: Vhong Navarro, na-ospital matapos bugbugin ng 6 na kalalakihan; sasailalim umano sa operasyon
"Gusto lang namin liwanagin na si Vhong ay isang biktima sa kasong ito. He is not a rapist. Maaaring hindi siya santo, pero siya rin ay isang mabuting tao at definitely hindi siya kriminal, siya ay biktima," pahayag ng abogado ni Navarro, Alma Mallonga, sa panayam niya kay Butch Francisco sa "Startalk" nitong Linggo.
"This horrible crime that was created against Vhong—he was a victim of detention, tinorture siya, he was blackmailed, he was being extorted—at itong ginawang krimen sa kanya, pinabalahaan siya na huwag siyang magsalita, huwag siyang magbigay ng kahit anong pahayag sa media at itago niya ang ginawang krimen sa kaniya, at ginamit nila itong paglagay sa police blotter ng isang hindi makatotohanang akusasyon," saad ni Mallonga.
Pinabulaanan ni Mallonga ang akusasyon ng attempted rape na nakasaad sa naturang police blotter.
Police blotter
Ayon sa naunang ulat, mayroong police blotter na mayroong lagda ni Ferdinand Navarro, ang tunay na pangalan ni Vhong, sa tanggapan ng Southern Police District sa Bonifacio Global City kung saan nakasaad dito ang umanong pangyayari sa condominium ng babae.
Basahin: Vhong Navarro, naka-blotter sa Taguig police dahil sa pamumuwersa daw sa 22-anyos na babae – report
Ayon sa police blotter, bumisita si Vhong sa condominium unit ng isang 22-anyos na babaeng estudyante at pinilit siyang inihiga sa kama at tinangkang ibaba ang kanyang shorts.
Ayon pa sa ulat, nagmakaawa umano ang babae na itigil ni Vhong ang pag-atake pero di raw ito tumigil at pumaibabaw daw sa dalaga. Dumating umano sa condo unit ang dalawang kaibigan ng babae at sumaklolo sa biktima at isinagawa ang "citizen's arrest."
Dinala rin daw ng mga ito si Vhong sa himpilan ng pulisya para ipa-blotter ang pangyayari.
Pero nakasaad sa dulo ng blotter na hindi na itutuloy ng biktima ang pagsasampa ng kaso laban sa aktor.
Gayundin, nasimulan na ng kampo ni Vhong ang proseso sa maaaring gawin laban sa mga nambugbog sa kaniya.
Suspek sa krimen
Pinangalanan ng aktor at ni Mallonga si Cedric Lee bilang isa sa mga suspek sa pambubugbog.
Ani Mallonga, "Ang naalala lang niya ay 'yong Cedric Lee. Hindi ko kilalang personal ito, hindi ko alam kung mayaman siya, hindi ko alam kung powerful siya, pero ang pagpapakilala niya sa sarili niya, according to Vhong, ay malakas siya dahil hindi siya nahihiya, e."
Dagdag pa nito, anim o pitong tao umano ang nambugbog kay Navarro.
Samantala, hindi naman itinanggi ng aktor na tumungo siya sa naturang condominium at nagpunta sila sa pulisya upang magpa-blotter.
Kuwento pa ng aktor, isinagawa ng babae at ng mga kaibigan nito ang naturang blotter upang hindi lumabas ang balita sa publiko. — Mac Macapendeg/BM, GMA News