ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz
Vhong Navarro, nakatakdang operahan ngayong Lunes
+
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
Nakatakdang operahan ang actor-TV host na si Vhong Navarro ngayong Lunes, ayon sa kaniyang abogado na si Alma Mallonga.
"Malubha 'yong pinsala niya and I understand today, he's scheduled for surgery," wika nito sa panayam nina Rhea Santos at Arnold Clavio sa"Unang Hirit" nitong Lunes.
Gayundin, hindi nabanggit ni Mallonga sa naturang panayam kung ano ang isasagawang operasyon kay Vhong.
Ang pinsalang natamo ng aktor ay mula sa pambubugbog ng anim o pitong lalaki sa isang condominium sa Bonifacio Global City noong Enero 22. Sinabi ni Vhong na nangyari ito nang paunlakan niya ang imbitasyon ng isang dalaga.
Basahin: Vhong Navarro, na-ospital matapos bugbugin ng 6 na kalalakihan; sasailalim umano sa operasyon
Police blotter
Sa naunang ulat, may isang police blotter na mayroong lagda ni Ferdinand Navarro, ang tunay na pangalan ni Vhong, sa tanggapan ng Southern Police District sa Bonifacio Global City. Nakasaad dito ang umanong pangyayari sa condominium.
Basahin: Vhong Navarro, naka-blotter sa Taguig police dahil sa pamumuwersa daw sa 22-anyos na babae – report
Ayon sa police blotter, bumisita si Vhong sa condominium unit ng isang 22-anyos na babaeng estudyante sa The Fort at pinilit siyang inihiga sa kama at tinangkang ibaba ang kaniyang shorts.
Ayon pa sa ulat, nagmakaawa umano ang babae na itigil ni Vhong ang pag-atake pero 'di raw ito tumigil at pumaibabaw daw sa dalaga. Dumating umano sa condo unit ang dalawang kaibigan ng babae at sumaklolo sa biktima at isinagawa ang citizen's arrest.
Dinala rin daw ng mga ito si Vhong sa himpilan ng pulisya para ipa-blotter ang pangyayari.
Pero nakasaad sa dulo ng blotter na hindi na itutuloy ng biktima ang pagsasampa ng kaso laban sa aktor.
Sa isang panayam sa aktor sa "Buzz Ng Bayan" nitong Linggo, sinabi nitong nagkita sila ng dalaga noong Enero 17 kung saan inamin niyang may nangyari sa kanilang dalawa ngunit walang sexual intercourse. Nabanggit din ng aktor na nagpakita ng motibo ang babae.
Nang bumalik noong Enero 22 si Vhong, pinagtulungan siya ng anim o pitong kalalakihan kung saan tinali umano ang kaniyang kamay at paa. Kinunan din umano siya ng isang video kung saan pinapasabi sa kaniya na, "Ako si Vhong Navarro, ni-rape ko ang kaibigan ko."
Bukod pa rito, hiningan si Vhong ng P200,000 para sa umanong damages sa dalaga ngunit tinaasan naman ito ng nagngangalang Cedric Lee ng P500,000.
Matapos nito, sinabi ng mga kalalakihan na dadalhin nila si Vhong sa presinto para sa isang police blotter bilang proteksyon sa kanila. Ito raw ang kanilang paraan upang hindi magsumbong ang aktor.
Ayon pa sa aktor, isang milyong piso ang hinihinging halaga ng mga kalalakihan kay Vhong upang hindi lumabas ang naturang insidente sa publiko.
Legal actions
Kasalukuyang nagsasagawa ng legal actions ang kampo ni Vhong Navarro kaugnay sa naturang insidente. Giit pa ni Mallonga, ang kaniyang kliyente ang biktima rito.
Ani Mallonga, "We are going to follow the process. We will make sure kung ano man ang gagawin namin it will stick."
Gayundin, may dalawang pangalan nang nabanggit ang aktor sa kaniyang abogado at kabilang na rito si Cedric Lee.
Bukod pa rito, hindi na ibinahagi ni Mallonga sa naturang panayam ang mga ebidensiyang hawak nila laban kay Lee, sa pito pang ibang lalaki, at sa babae.
"Whatever has been said, kung ano man ang mga pinagte-text o kung ano man ang pinagtatawag, all of that is part of the records. Hindi namin gustong sabihin kung ano ang ebidensiya that's there kasi that's very confidential," saad nito. —Mac Macapendeg/KG, GMA News
Tags: vhongnavarro
More Videos
Most Popular