Filtered By: Showbiz
Showbiz

Hirit ng babae sa Vhong Navarro issue: I'm ‘innocent’ and ‘a victim’


Ilang araw matapos mapabalita ang insidente ng pambubugbog sa TV host-actor na si Vhong Navarro, naglabas ng pahayag ang babaeng sangkot sa naturang isyu na si Deniece Cornejo.

Ayon sa text message ni Deniece na ipinadala sa GMA News at umere sa “Balitanghali” nitong Lunes, sinabi nito na, “If you want justice, I will give you the real justice.”

“In the field of women's rights. The right will always be right. Mataas ang paghanga ko sa mga lalaki na marunong rumespeto at ipagtanggol ang mga kababaihan.

“Kung may biktima at innocente [sic] dito, wala nang iba kundi ako.”



Nauna nang sinabi ni Deniece na naganap ang pambubugbog matapos umano siyang tangkaing gahasain ni Vhong, isang paratang na pinabulaanan naman ng TV host-actor.

Ang naturang insidente ay nangyari sa isang condominium unit sa Bonifacio Global City nito lamang Enero 22, batay sa isang police blotter sa tanggapan ng Southern Police District sa BGC.

Ang nasabing blotter ay pirmado ni Ferdinand Navarro, ang tunay na pangalan ni Vhong.

Basahin: Vhong Navarro, naka-blotter sa Taguig police dahil sa pamumuwersa daw sa 22-anyos na babae – report

Nakatakda namang operahan ngayong Lunes si Vhong, ayon sa abogado niyang si Atty. Alma Mallonga. Walang namang impormasyon kung ano ang isasagawang operasyon.

Basahin: Vhong Navarro, nakatakdang operahan ngayong Lunes

Giit ni Mallonga, si Vhong umano ang biktima sa naturang insidente. Nagtamo ng sugat sa mukha at katawan ang aktor matapos itong bugbugin ng anim o pitong lalaki sa condominium ni Deniece sa The Fort.

Basahin: Abogado ni Vhong Navarro: ‘He is not a rapist’

Ayon sa naturang blotter, dumating umano sa condominum unit ang dalawang kaibigan ni Deniece at sumaklolo raw sa kanya at isinagawa ang “citizen's arrest.”

Kasalukuyan namang pinag-aaralan ng kampo ni Vhong ang mga maaaring legal actions sa naturang insidente. — Mac Macapendeg/KBK, GMA News