ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz
Marian Rivera, kakaibang atake ang gagawin sa pagganap bilang ‘Carmela’
+
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Huli nating napanood ang Kapuso Primetime Queen na si Marian Rivera sa kinagiliwang Philippine version ng Korean drama na Temptation of Wife. Ngayon, nagbabalik ang mahusay na aktres sa Primetime bilang Carmela: Ang Pinakamagandang Babae sa Mundong Ibabaw.
Ayon sa award-winning actress, kakaiba ang kanyang magiging pagganap bilang si Carmela.
“First time kong magkaroon ng leading man na mas bata sa akin. Iba ang atake, iba ang approach,” aniya.
Nakatulong daw ng malaki ang workshops na sabay nilang kinuha ng kanyang leading man na si Alden Richards kaya mas komportable na sila ngayon sa isa’t isa.
Nabanggit din ni Alden sa isang interview na maaaring magkaroon sila ng kissing scenes ng Kapuso Primetime Queen.
“Ang isang soap opera ay hindi tatakbo nang walang mga ganyan, pero sinisiguro naman namin na mangyayari ‘yang mga bagay na iyan dahil kinakailangan sa istorya. Sa ngayon sa mga nagagawa namin, wala pa,” ani Marian.
Sa layo ng narating ni Marian sa showbiz, nape-pressure pa ba siya?
“Ayoko namang sabihing hindi, pero siguro mas maganda na habang nagtatagal ako sa showbiz, mas ine-enjoy ko ‘yung trabaho ko and looking forward akong pumunta sa set dahil lahat ng katrabaho ko ay masayang kasama,” tugon ng aktres.
Dagdag niya, “Wala namang artista na nakukuntento na hanggang dito lang ang gusto ko. Siyempre naniniwala ako na lahat ng artista gusto nila habang gumagawa sila ng iba’t ibang soap opera ay patindi nang patindi at paganda nang paganda.”
Mas nag-e-enjoy raw si Marian kapag mas challenging ang kanyang mga ginagampanan. Bukod sa kanyang role bilang Carmela, ano pa ang mga karakter na nais niyang masubukan?
“Hindi pa ako nagiging lalaki. Hindi pa ako nababaliw. Ang dami ko pang gustong gampanan. Kung iisa-isahin ko ‘yun, malayo pa at marami pa,” anang mestiza actress.
Panoorin ang nag-iisang Kapuso Primetime Queen na si Marian Rivera sa Carmela: Ang Pinakamagandang Babae sa Mundong Ibabaw, gabi-gabi pagkatapos ng Adarna sa GMA Telebabad. -- Samantha Portillo/Bochic Estrada, GMANetwork.com
More Videos
Most Popular