Reklamong rape vs Vhong, isinampa ni Deniece; may penetration o wala, rape 'yon, ayon sa abogado
Naghain na ng reklamong rape o panggagahasa ang model/stylist na si Deniece Cornejo laban sa aktor na si Vhong Navarro nitong Miyerkules sa Taguig City Prosecutor’s Office.
Nauna nang nagsampa ng patung-patong na kaso si Vhong laban kay Cornejo, Cedric Lee at anim na iba pa matapos bugbugin ang aktor sa loob ng condominium unit ng dalaga sa Taguig City noong nakaraang linggo.
Si Cedric ang kaibigan ni Cornejo na sinasabing sumaklolo sa dalaga matapos umanong tangkain gahasain ng aktor ang dalaga.
Nauna nang ipinaliwanag ni Atty. Howard Calleja, abogado nina Deniece at Cedric, na rape na ring maituturing ang ginawa ni Navarro sa kaniyang kliyente batay sa bagong batas tungkol dito.
Basahin: Mas mabigat na kasong rape, ikakasa ng kampo ni Deniece Cornejo vs Vhong Navarro
Ang kasong rape ay taliwas sa nakatala sa police blotter na "attempted rape" ang ginawa umano ni Vhong kay Deniece. Pero sinabi ni Calleja na nagahasa ng aktor ang dalaga base sa ginawa nilang pag-analisa sa impormasyong ibinigay ng kaniyang kliyente.
Basahin: Ilang mga larawang hango sa CCTV bago at matapos mabugbog si Vhong Navarro
"Sa aming evaluation, there was a... it was not only attempted but there is a rape. And it appears from our study and understanding of the facts that the incident constituted rape," paliwanag ni Calleja sa isang panayam nitong Martes ng gabi.
Sa panayam naman ng GMA News "Unang Balita" nitong Miyerkules, muling iginiit ni Calleja na may nangyaring panggagahasa nang gabing mabugbog si Vhong noong Enero 22.
“Dati ho ang rape merong penetration, may contact, 'yong talagang pumasok. Ngayon, dumampi lang 'yan sa kahit anong bagay or ganon ng mga participant doon, 'yan ay kasama na ng rape,” paliwanag nito.
“Sabi ko huwag na natin [pag-usapan] ang detalye dahil masalimuot, siguro sa korte na lang para bigyan ng privacy at galang 'yong babae dahil mahirap din umamin ng rape kasi reputasyon mo ang nilalaban diyan,” dagdag pa niya.
Patuloy ng abogado, kung may nangyari o wala kina Vhong at Deniece sa una nilang pagkikita noong Enero 17, wala na umano iyong bigat sa kasong rape na isasampa nila dahil hindi naman iyon nangyari sa parehong araw.
“Sabihin mo man na may nangyari o wala, a no is a no. ‘Pag sinabi mong hindi mo gusto, hindi mo gusto… 'Pag ang babae tumanggi, wala tayong magagawa. Huwag nang ipilit. Galangin po natin ang mga kababaihan,” paliwanag ni Calleja.
Una rito, mga kasong serious illegal detention, serious physical injury, grave threat, illegal arrest, coercion at blackmail, naman ang isinampa ni Navarro kina Deniece, Cedric at iba pa nitong kasama nitong Martes.
(Basahin: Raps filed vs. Vhong Navarro's attackers)
Kasalukuyan pa ring nagpapagaling sa ospital ang aktor matapos itong maoperahan kaugnay ng tinamong pinsala sa mukha bunga umano ng panggugulpi ng inabot sa grupo ni Cedric. -- RRD/FRJ, GMA News