Wally Bayola, babalik na sa 'Eat Bulaga!' sa Sabado?
Umugong sa social media nitong Biyernes ang posibleng pagbabalik ng komedyanteng si Wally Bayola sa "Eat Bulaga!" sa Sabado, February 8. Ilang buwan nawala sa telebisyon si Wally matapos lumabas ang sex video nila ng isang dancer.
Basahin: Sex video umano ni Wally Bayola at isang dancer, kumalat sa internet
Sa programa sa dzBB radio nitong Biyernes na "Walang Siesta" ni German "Kuya Germs" Moreno kasama ang Badingdings, sinabing sabik na umano si Wally na bumalik sa "Eat Bulaga" kung saan nakilala ang tambalan nila ni Jose Manalo.

Dapat daw abangan kung mangyayari na nga ito sa longest-running noontime show ngayong Sabado.
Noong nakaraang Disyembre, dahil Pasko at itinuturing panahon ng pagpapatawad, kumalat din ang mga balita na babalik na sa noontime show si Wally pero hindi nangyari.
Basahin: Kasunod ng umano'y sex video scandal, Wally Bayola, 'di muna mapapanood sa Eat Bulaga
Nitong nakaraang Enero, iniulat naman ang pagbabalik ni Wally sa trabaho bilang stand-up comedian sa establado.
Basahin: Wally Bayola, balik-trabaho na matapos ang kinasangkutang 'sex scandal'
Ngunit hindi naging malinaw kung kasunod na nito ang pagbabalik niya sa "Eat Bulaga" kung saan kabilang siya sa segment na Juan For All, All For Juan, kasama sina Jose at Paolo Ballesteros.
Maging ang manager ni Wally na si Malou Choa-Fagar, na isa rin sa mga namamahala sa "Eat Bulaga," ay hindi nagbibigay ng pahayag tungkol sa kontrobersiyang kinasangkutan ng komedyante at sa posibilidad na pagbabalik nito sa programa.
Gayunman, sa naunang pahayag ni Vic Sotto, isa sa mga host ng "Eat Bulaga," sinabi nito na bukas siya sa pagbabalik ni Wally sa programa pero kailangan daw humingi ito ng paumanhin sa publiko kaugnay sa kinasangkutang kontrobersiya.
Basahin: Vic Sotto says Wally Bayola should apologize over sex video scandal before making comeback
Nitong Biyernes din, dinagsa ng komento ang video post sa Facebook fan page ng "Eat Bulaga" tungkol sa kanilang teaser kung sino ang taong bubuo sa kabiyak na pusong hawak ni Jose.
Sa naturang video, kausap ni Jose si Paolo at nagpalitan sila ng clue kung sino ang posibleng may hawak ng nawawalang kabiyak ng puso na dala ni Jose.
Base sa mga clue, "kilala," "nami-miss," "close," at "nakakasama" ni Jose ang taong may hawak ng nawawalang kabiyak na puso na hawak niya.

Ngunit bukod kay Wally, isa rin sa mga iniisip ng mga nagkomento ay si Eugene Domingo.
Very sweet kasi at itinuturing love team sina Jose at Eugene sa Saturday game show ng GMA na "Celebrity Bluff."
Maging sa Twitter, may ilan din na nagpahayag ng pagnanais na makitang muli si Wally sa "Eat Bulaga" para mabuo muli ang tambalan nila ni Jose.
Si wally bayola yung kamatch ng puso ni jose!! Bukas na! @eatbulaga
— Tobs ? (@John2Bit) February 7, 2014
@EatBulaga si Wally Bayola kaya ang ka match ng PUSO ni Jose, babalik na ba sya sa EB... ???????? #Exciting #WeMissWallyInEB
— MRGeorgina (@iamtruepinay) February 7, 2014
OMG! I got a feeling na si Wally Bayola ang bubuo nung broken heart na hawak ni Jose :"> #EatBulaga
— ANEEHS ? (@SheenaMaeZing) February 7, 2014
-- FRJimenez, GMA News