ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Kris Aquino, ipinagtanggol si James Yap sa mga batikos sa pagkatalo ng San Mig vs Ginebra


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Sa pambihirang pagkakataon, ipinagtanggol ng TV host-actress na si Kris Aquino ang kaniyang dating mister na si James Yap mula sa mga bumabatikos dito dahil sa pagkatalo ng kaniyang koponan na San Miguel laban sa Ginebra.

Sa naturang laban noong Lunes, natawagan ng foul si James sa mga huling segundo ng laro at nagmintis ang kaniyang 3-point shot kaya namayani ang Gin Kings sa iskor na 94-91. Pero ang masaklap nito, dahil sa panalo ng Ginebra ay nakahirit ng do-or-die match ang koponan laban sa San Miguel kung sino ang makakapasok sa finals.

Basahin: Ginebra refuses to die, forces Game 7 against San Mig

Dahil sa naturang pagkatalo ng San Miguel, tumanggap ng mga pambabatikos at pinagdudahan pa ang paglalaro ni James.

Sa artikulong isinulat ni Nerisa Almo na lumabas sa showbiz news website na PEP.ph nitong Miyerkules, sinabing ginawa ni Kris ang pagdepensa sa ama ng kaniyang anak na si Bimby sa programa nitong kabilang network nitong Martes.

Biro umano ni Kris, mamahalin at matutuwa sa kaniya si James sa mga sasabihin niya.

Ayon sa bunsong kapatid ni Pangulong Noynoy Aquino III, kilala niya ang kaniyang dating mister at hindi raw ito nagbebenta ng laro.  Batid daw niya ang dedikasyon ni James sa pinasok nitong propesyon at wala raw dahilan para magbenta ng laro ang basketbolista.

“Sa matagal na panahon na kilala ko si James Yap, at nakilala ko ang buong pagkatao niya, hindi niya gagawing magbenta ng laro dahil buong buhay niya, ibinuhos niya for that,” ani Kris.

Pagtatanggol pa ni Kris sa dating mister, nanalo ang koponan ng San Miguel sa Games 5 dahil kay James. (Basahin:  Yap buries clutch trey as San Mig Coffee defeats Ginebra).

Kasabay ng pagdepensa ay nagpahayag si Kris ng "good luck, James," sa susunod nitong laban.

Binati rin niya ng advance happy birthday ang dating mister na magdiriwang ng kaarawan sa Sabado, Feb.15, isang araw matapos naman ang birthday ni Kris na Feb. 14.

“Alagaan mo si Bimby at si Josh, nasa iyo sila. Be good,” dagdag ni Kris.

Dahil sa mga pahayag ni Kris, nagbiro si Boy Abunda na kasama niya sa programa, na iisipin niyang in-love pa rin ang kaibigan sa dating mister kung hindi niya alam na hiwalay na ang dalawa.

“No, my god! Hindi!," ani Kris. ""You know why, Boy, I’ve released all the anger from my heart."

Nitong nakaraang mga linggo, naibalita ang pagsisiwalat ni James na matagal na niyang hindi nakakasama ang anak na si Bimby na nasa pangangalaga ni Kris. (Basahin: James Yap complains about not seeing son Bimby for five months now)

Pero paliwanag naman ni Kris, si James ang hindi gumagawa ng paraan para magkita sila ng kanilang anak. (Basahin: Kris Aquino on James Yap not seeing son Bimby for five months: 'James hasn’t exerted the effort '). -- FRJ, GMA News