James Yap, nagulat daw sa pagtatanggol sa kaniya ng ex-wife na si Kris Aquino
Nagulat at nagpasalamat ang basketball star na si James Yap sa ginawang pagtatanggol sa kaniya ng dating misis na si Kris Aquino laban sa mga bumatikos sa kaniya nang matalo ang koponan niyang San Miguel Beer laban sa Ginebra San Miguel sa Game 6 sa PBA.
Sa ulat ng sport online news na SPIN.ph, inihayag ni James ang pasasalamat sa ginawa ni Kris, ina ng kaniyang anak na si Bimby.
“Ah, thank you at ipinagtanggol niya ako," pahayag ni James sa ulat. "Nagulat ako [sa gesture ni Kris], anong meron?”
Una rito, ginawa ni Kris ang pagtatanggol kay James sa programa nito sa telebisyon nang matalo ang koponan ng dating mister na San Miguel sa Ginebra sa game 6.
Sa naturang laban, natawagan ng foul si James sa mga huling segundo ng laro at nagmintis ang kaniyang 3-point shot kaya namayani ang Gin Kings sa iskor na 94-91. Ang masaklap nito, dahil sa panalo ng Ginebra ay nakahirit ng do-or-die match sa game 7 ang koponan laban sa San Miguel.
Basahin: Kris Aquino, ipinagtanggol si James Yap sa mga batikos sa pagkatalo ng San Mig vs Ginebra
Inihayag din ng basketbolista na sanay na siya sa mga kritisismo kaya focus na lang siya sa ensayo at hindi na pinapansin ang mga batikos.
Nakabawi naman si James nang pangunahan niya ang kaniyang koponan sa pagtalo sa Ginerba sa game 7 nitong Miyerkules at tuluyang makapasok sa finals ng PBA.
Nitong nakaraang mga linggo, naibalita ang pagsisiwalat ni James na matagal na niyang hindi nakakasama ang anak na si Bimby na nasa pangangalaga ni Kris. (Basahin: James Yap complains about not seeing son Bimby for five months now)
Pero paliwanag naman ni Kris, si James ang hindi gumagawa ng paraan para magkita sila ng kanilang anak. (Basahin: Kris Aquino on James Yap not seeing son Bimby for five months: 'James hasn’t exerted the effort ').
Pero bukod sa pagdepensa kay James, nagpahayag din si Kris ng "good luck" sa kaniyang ex-husband para sa susunod nitong laban [game 7].
Binati rin niya ng advance happy birthday ang dating mister na magdiriwang ng kaarawan sa Sabado, Feb.15, isang araw matapos naman ang birthday ni Kris na Feb. 14.
Inaasahang magkakasama ang mag-amang James at Bimby sa kaarawan ng basketbolista.
“Alagaan mo si Bimby at si Josh, nasa iyo sila. Be good,” dagdag ni Kris.-- FRJ, GMA News