Sinasakyang van ng ‘Suits’ star Gabriel Macht, na-flat-an sa Ormoc
Nagkaroon ng katawa-tawang engkwentro ang aktor na si Gabriel Macht matapos dayuhin ang Ormoc, Leyte nitong nakaraang Sabado. Sa isang press briefing nitong Linggo, ikinwento ng aktor na na-flat-an ang van na kanilang sinasakyan habang papunta sa isang tubuhan upang mag-meryenda. Kwento nito, "We got into another car and we kept on going, and when we got to the sugarcane fields and someone said to Cong. Lucy, 'You see, the roads are getting better! You see, the roads are getting better!' And she was like, 'Yeah! Yeah!' And I looked at her and was like, 'Is this a joke? (We) got a flat tire!'" Pero ang sabi niya, bumubuti naman raw talaga ang kundisyon ng mga daan na nabulilyaso ng Yolanda. Matapos bisitahin Ormoc, baka raw isunod ni Macht ang mga dalampasigan ng Pilipinas. "I hope to come back, when I have more time and I have to come out with my family, see more of the Philippines, and visit the beaches. [And] I wanna come back to Ormoc and see how the re-building's gone," sabi niya. Pero hindi ito ang unang pagkakataon na may nakasalamuha siyang mga Pinoy, dahil may Pilipino raw na nag-alaga sa nakakatanda niyang anak. "We had a nanny who was from the Philippines; [she was a] very sweet woman," sabi ni Macht. Bahagi si Macht sa isang programang naglalayong magbigay ng kabuhayan sa mga nasalanta ng Bagyong Yolanda. Matagal na raw naghahanap ng paraan upang makatulong ang aktor sa mga ito, at tunay raw na "humbling" ang pagiging bahagi nito. Umaasa siya na sa pamamagitan ng kanyang pagbisita, marami ang mahihikayat na makituwang sa muling pagtayo ng Visayas. "I think we all have inside of ourselves to give back, and that's my way of giving back," sabi ni Macht. Ginagampanan ni Macht sa TV series na "Suits," na tumatalakay sa buhay ng abogado at usaping legal, ang papel na si Atty. Harvey Specter. Bukod sa "Suits," napanood na rin si Macht sa mga pelikulang "The Spirit", "The Good Shepherd", at "Love & Other Drugs". — DVM, GMA News