Filtered By: Showbiz
Showbiz

Paano napili si Miguel Tanfelix na gumanap bilang Niño?



 
Sa ginanap na pictorial ng pinakabagong show ng GMA na Niño, ikinuwento sa amin ni Miguel Tanfelix kung paano siya napili para sa title role ng GMA Telebabad soap.

Ito ang unang beses na magiging bida si Miguel sa isang teleserye. Kadalasan ay minor roles lang ang ibinibigay sa batang aktor at kung minsan gumaganap din siya bilang young versions ng mga bida sa dati niyang shows. Pero ngayong mayroon nang sumaktong character para kay Miguel, ibinigay na sa kanya ng GMA ang kanyang pinakahahangad.

Ayon kay Miguel, matagal niya na raw hinihintay ang pagkakataong maging bida sa sariling show. Kaya nang malaman niyang siya ang gaganap na Niño, sobrang tuwa raw ang naramdaman niya na may halong pagka-excite.

“Excited. Lagi naman po akong excited sa kahit anong roles,” paliwanag niya.

Kuwento ni Miguel, dumaan daw siya sa auditions at screen tests para sa role. Tatlo raw silang Kapuso actors na naglaban-laban para rito. Aniya, pinapunta sila sa audition nang walang kaalam-alam sa character. Hindi raw talaga sinabi sa kanila kung anong klase ng role ang ipo-portray nila.

Sa mismong araw lang daw ng audition ibinigay ang audition piece at ipinakilala ang character ni Niño. “So ito na [‘yung script]. I-a-act na namin, tapos sinabi sa amin na ito 'yung role - may pagka-special child siya,” kuwento ni Miguel.

Ayon kay Miguel, nang malaman niyang special child ang role, mayroon daw agad pumasok sa isip niya.

“Pumasok sa isip ko 'yung role ko dati sa Tinik sa Dibdib. Ang role ko doon [ay] si Boyito. Tapos ang pag-iisip niya ay 5 years old lang,” aniya.

Dahil naalala ni Miguel ang pag-arte niya noon sa character ni Boyito, naging madali na raw sa kanyang ang pag-arte ng isang special child. Malaki rin daw ang pasasalamat niya dahil kahit paano ay nakatulong ang acting experience niya sa audition.

Dahil sa galing na ipinakita ni Miguel noong audition, siya ang napiling gumanap bilang Niño. Makakasama niya sa teleseryeng ito sina Bianca Umali, Renz Valerio, Julian Trono at ang child actor na si David Remo.

Abangang si Miguel Tanfelix bilang Niño, ngayong Mayo na sa GMA Telebabad. - Al Kendrick Noguera/Bochic Estrada, GMANetwork.com