Billy Crawford, dinala sa Camp Crame para sa drug at liquor tests
Kasunod ng pagkakaaresto sa aktor at TV host na si Billy Crawford maaga nitong Linggo, dinala siya Camp Crame upang isailalim sa drug at liquor tests.
Ayon sa ulat ni Katrina Son sa "Balitanghali," na-detain muna si Crawford sa Taguig Police Headquarters bago dinala Crame.
Ayon sa naulang ulat, dakong alas-4:30 ng madaling-araw nitong Linggo nang magpunta ang aktor sa Police Station 7 sa Bonifacio Global City sa Taguig.
Sa pahayag ng mga pulis ng PCP Station 7 at ayon na rin sa mga nakasaad na detalye sa kanilang blotter, nagsisisigaw si Crawford habang pumapasok ng presinto at gustong magpakulong. Hindi naman daw pumayag ang mga pulis dahil wala itong kasalanan.
Nagpapahatid pa umano ang aktor sa naka-duty na desk officer sa Taguig City Police Headquarters kung saan may detention cell.
Ayon sa ulat, sinabihan ni Crawford ang desk officer na pagkatapos ng limang segundo at hindi siya dinala sa Taguig, sisipain at babasagin niya ang glass door ng police station.
Pagkatapos umanong sabihin ito, nagbilang si Billy ng lima, saka raw niya sinipa ang pintuan kaya nagkabasag-basag ang glass door.
Matapos nito, inaresto na ng mga pulis ang aktor at dinala sa Taguig Police Headquarters.
Sa ngayon, hindi pa nagpapaunlak ng panayam ang mga police sa headquarters dahil patuloy pa rin anila ang ginagawa nilang imbestigasyon.
Sa naunang pahayag sa GMA News kay P/Insp. Jonathan Aribe ng Police Station 7, sinabi nitong: “Bigla lang siyang dumating sa [presinto] namin. Ayun, nagwawala. Deretso lang siya na may problema lang daw.”
Maaari raw makasuhan si Crawford ng malicious mischief, direct assault, resisting arrest, at disobedience of agent in authority.
Sa isang panayam sa radyo, itinanggi ni Crawford na mayroon siyang nasaktan sa nangyaring insidente.
"It was my fault pero wala akong nasaktan, wala akong itinulak, wala akong tinamaan kundi 'yung salamin," ayon sa aktor.
Humingi rin siya ng paumanhin sa mga police officer at sa kanyang fans.
Matapos panandaliang dalhin sa ospital para sa inisyal na pagsusuri, dinala na si Crawford sa Crame.
Inaasahan ang pagbabalik ng aktor sa Taguig Police Headquarters matapos ang nasabing tests. — Bianca Rose Dabu /LBG, GMA News