ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Basang t-shirt at shorts ng suspek, natagpuan sa crime scene sa pagpatay sa ina ni Cherry Pie


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
Posibleng pagnanakaw raw ang motibo sa pagpatay sa 75 anyos na si Zenaida Sison, ang ina ng aktres na si Cherry Pie Picache, ayon sa Quezon City Police District.
 
Dagdag pa sa ulat ng QCPD, pawang kakilala ng biktima ang mga suspek na kanilang tinitignan. Gayunpaman, napag-alaman sa inisyal na imbestigasyon na nagkaroon ng "forcible entry" o sapilitang pagpasok sa bahay ng biktima.
 
Natagpuan sa crime scene ang ilang bareta at mga putol na kahoy na maaaring ginamit sa panloloob.
 
Mayroon ding natagpuan na basang t-shirt at shorts na pagmamay-ari umano ng isa sa mga suspek. Puno naman ng bakas ng paa at fingerprints ang crime scene.
 
 
Ayon sa source ng GMA News, nadatnang nakabalot ng kumot ang biktima at puno ng saksak sa iba't ibang bahagi ng katawa. 
 
Napag-alaman ding nanlaban ang matanda dahil sa defense wounds na nakita sa kanyang katawan.
 
Ayon pa sa pulisya, anim hanggang 12 oras nang patay ang biktima nang makita ng mga kaanak noong Biyernes. Ibig sabihin, nangyari ang pagpaslang noong umaga, sa kasagsagan ng ulang dulot ng bagyong Mario at pinaigting ng habagat.
 
 
Wala namang kasama ang matanda noong nangyari ang krimen. “According po sa family ng biktima, wala pong kasama itong si Ms. Zenaida Sison, though may mga katulong o helper siya na stay-out. So hindi po natin masasabi na may kasama siya nung araw na iyon,” ani Taqueban.
 
Nananawagan naman ang QCPD sa mga Pilipino na ipagbigay-alam ang anomang impormasyong maaaring makatulong sa pag-usad ng imbestigasyon. 
 
Para sa mga nais makipagtulungan sa pulisya, maaaring tawagan ang QCPD sa kanilang hotline na 435-2703. — Bianca Rose Dabu/JST, GMA News