ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Maegan Aguilar, nakibahagi sa kampanya kontra karahasan sa kababaihan


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
Nakiisa ang singer at anak ni Ka Freddie Aguilar na si Maegan Aguilar sa paggunita ng National Consciousness Day for the Elimination of Violence Against Women na pinangunahan ng Gabriela at ilan pang women's rights group.
 
Ayon sa ulat ni GMA News reporter Maki Pulido sa 24 Oras nitong Martes, naging emosyonal si Maegan nang balikan niya ang insidente ng pananakit sa kanya ng dating kinakasama na si Alexander Sanchez. 
 
Sariwa pa umano sa kanya ang huling insidente ng pananakit na dinanas mula kay Ali nitong buwan lamang. Ayon sa mga naunang kwento ni Maegan, hindi na niya mabilang ang insidente ng pambubugbog na naulit noong tinangka niyang makipaghiwalay sa live-in partner.
 
Aniya sa kanyang talumpati sa naturang pagtitipon, “Lagi pong isipin na [kakayanin ang] kada pagsubok, kada bagsak niyo sa buhay, basta mayroon kayong pananampalataya, meron kayong matatakbuhan.”
 

Ayon sa datos ng Gabriela, isa sa bawat limang babae ang nakararanas ng karahasan. Hindi pa umano kasama dito ang mga hindi nagsusumbong dahil sa takot o hiya. Nakakaalarma rin daw na tila pabata nang pabata ang nagiging biktima ng mga insidenteng ito.
 
Halos 40,000 insidente naman ng karahasan sa kababaihan ang naitala ng PNP Women ang Children Protection Center mula Enero hanggang Oktubre nitong taon lamang.
 
Iginiit ni Rep. Emmi de Jesus ng Gabriela na nakakabahala ang tila mababang tingin sa kababaihan na nagreresulta sa pananamantala at pananakit.
 
“Women are projected as sex objects. Parang nagiging natural na kapag lalaki ka, pwede mong ariin at pagsamantalahan ang mga babae,” ani de Jesus.
 
Dumarami man daw ang nagsusumbong habang tumatagal, nananatiling mahirap pa rin ang makakuha ng hustisya para sa mga biktima ng pananakit. — Bianca Rose Dabu/RSJ, GMA News