ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Bakit patok ang tambalan nina Jose Manalo at Eugene Domingo?


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Naging top trending topic noong Sabado sa Twitter Philippines ang #JoseGiveMeARing nang tinutukan ng buong Pilipinas ang mga nakakakilig na eksena nina Jose Manalo at Eugene Domingo sa anniversary special ng game show na Celebrity Bluff.

Dahil sa 'chemistry' ng dalawa at sa kilig-kiligang hatid ng JoGe love-team, marami ang naniniwalang may namamagitan na sa dalawang komedyante, ayon sa ulat ng Startalk nitong Sabado.



Ikinagulat man nila noong una ang pagsikat ng kanilang love-team, nagpapasalamat pa rin sila sa suporta ng fans. Hindi rin nila itinatanggi na malapit talaga ang loob nila sa isa't isa.

Ayon sa aktres, “Sweet kami talaga. Tsaka gusto ko talagang yakapin siya, hawakan kasi mabango siya.”

Sa naunang pahayag, sinabi rin ni Eugene na hanga siya sa pagiging talentado ni Jose at sa galing nito sa pagpapatawa. Aniya, “He moves very well, he’s very talented, he’s naturally funny so he’s appealing… He shines.”

Dahil sa naging patok ang kanilang tambalan, bakit nga ba hindi na lang nila totohanin ang ligawang napapanood lang sa Celebrity Bluff?

“Kaya siguro nakakakilig, para sa akin, kasi napaka-misteryoso. Hindi mo alam kung anong mangyayari, eh. Hindi ka rin naman magsasalita ng tapos tsaka hindi rin naman ako nagsisinungaling. Kung ano yung nararamdaman ko, yun yung pinapakita ko,” ani Eugene.

Ayon naman kay Jose sa naunang pahayag, "Siyempre sa katayuan ko natatakot na 'ko e... Alam niyo naman nangyari sa buhay ko, baka isa pa 'to," sabay tingin ni Jose sa katabing si Eugene. Tinutukoy ng komedyante ang paghihiwalay nila ng kaniyang asawa na nauwi pa sa demandahan.

Mapapanood sina Eugene at Jose sa highest-rating game show sa telebisyon-- ang Celebrity Bluff, na nagdiriwang ng ikalawang anibersaryo ngayong buwan ng Nobyembre.

Kwento ni Jose, “Marami pang mangyayari. Baka may isang segment pa, baka madagdagan pa ang oras. Abangan niyo na rin kung eto na ba, malunok niya kaya 'yung pagmumukha ko. Matanggap na kaya ni Uge?” — Bianca Rose Dabu/DVM, GMA News