ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Mga magulang nina Aiza Seguerra at Liza Diño, suportado ang kanilang relasyon at pagpapakasal


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
Hindi man daw sila nakadalo sa seremonyang naganap sa Amerika noong December 8, suportado naman daw ng ina ni Aiza Seguerra na si Mommy Caring at ng ama ni Liza Diño na si VACC Chairman Martin Diño ang desisyon ng dalawa na magpakasal at lumagay na sa tahimik.
 
Naganap ang kasalang Aiza at Liza noong nakaraang Lunes sa Stones and Flowers Retreat House sa San Francisco, California kasama ang malalapit na kaanak at mga kaibigan.
 
Ayon sa isang pahayag sa "Startalk" nitong Sabado, hindi na raw nakasama sina Mommy Caring at si Martin dahil magkakaroon naman ng kaparehas na seremonya dito sa Pilipinas.

 
“Kasi masyadong magastos. 'Yung ginawa nila sa Amerika, gagawin din nila dito kaya lang iba 'yung mga ninong at ninang,” ayon sa ina ng dating child star at singer-songwriter.
 
Tumayo naman sa puwesto ng ama ni Liza ang mga kapatid nito sa seremonya sa Amerika. Gayunpaman, siguradong makadadalo raw si Martin sa seremonya dito sa Pilipinas.

“Nag-usap naman kami ng anak ko na meron namang ceremony na mangyayari dito sa Philippines. At very busy din ako sa mga cases namin. Nag-beg off muna ako pero nandoon naman ang mga kapatid ko tsaka halos lahat ng relatives ko,” sabi ng VACC chairman.
 
Samantala, kagaya ng karamihan ng mga magulang, humihiling rin sa Mommy Caring ng apo sa kanyang anak at sa asawa nito. “Diba may wish ako kay Aiza na mag-aanak siya? Bibigyan niya ako nun,” aniya.
 
Hindi naman nila ikinakaila na nagkaroon sila ng pagaalinlangan sa gustong mangyari ng kanilang mga anak, ngunit kalaunan ay nakuha rin nilang tanggapin ito dahil sa ligayang nakikita nila sa kani-kanilang anak.
 
“Tama naman. Ang pag-ibig, walang pinipiling gender. Hindi mo naman maibibigay 'yung kaligayahan nung tao. Wala naman inaapakan, wala namang iniistorbo. Sige lang,” ayon kay Mommy Caring.
 
Dagdag naman ni Martin: “Nagulat ako. Tinanong ko din si Liza. Sabi ko, 'Anak, hindi biro 'yan.' Pero nung nakita ko naman 'yung happiness ng aking anak at nakita ko naman ang concern ni Aiza sa apo ko, nakikita kong maligaya talaga ang aking anak.”
 
Nagpapasalamat si Mommy Caring kay Liza dahil sa taos-pusong pagmamahal at pag-unawa nito kay Aiza, habang ipinahayag naman ni Martin ang buong suporta niya sa anak at kay Aiza.

Hinihiling rin ng dalawa ang maligayang pagsasama para sa bagong mag-asawa. — Bianca Rose Dabu/JDS, GMA News