ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz
Robin Padilla, hindi pipigilan si Kylie kung gustong magbago ng relihiyon para sa pag-ibig
By BIANCE ROSE DABU, GMA News
+
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
(Updated 1:50 p.m.) Wala raw problema para sa batikang action star na si Robin Padilla kung nanaisin ng anak na si Kylie ang magbago ng relihiyon para sa pag-ibig.
Ayon kay Robin sa isang pahayag sa Tonight with Arnold Clavio noong nakaraang linggo, “Kung ano ang gusto niya at galing sa puso niya, wala po akong karapatang pigilin siya.”
Robin-Dennis tandem
Wala pang nagiging nobyo si Kylie matapos ang paghihiwalay nila ng aktor na si Aljur Abrenica nitong taon. Dahil nasaktan ang anak, hindi napigilang magpasaring ni Robin sa isang panayam ilang buwan lamang matapos ang break up nina Aljur at Kylie.
Hayagan naman ipinaaalam ni Robin na mas gusto niyang Muslim ang makatuluyan ni Kylie. Aniya, wala na siyang kwestyon sa oras na ganoon ang mangyari. Ngunit, hindi niya umano pipigilan si Kylie sa gusto nito.
"Matanda na ang anak ko, hindi ko naman siya puwede pagbawalan sa gusto niyang gawin. Ako mismo, rebolusyonaryo ako. Alangan naman pagdating sa anak ko, hindi ako rebolusyonaryo. Freedom niya yun. Kung gusto niya lumabas, siya lahat ang sasagot niyan,” ayon kay Robin sa naunang pahayag.
Kamakailan nga ay ibinahagi ni Kylie na nababaitan ang ama sa kasalukuyang nali-link sa kanya na si Rayver Cruz, na nakasama niya sa pelikulang 'Dilim.'
“Sabi naman po ni Papa na mabait siyang tao. Si Papa mismo ang nagsabi,” sabi ni Kylie.
Robin-Dennis tandem
Samantala, naroon din sa nasabing episode ang matalik na kaibigan at sidekick ng action star sa mga pelikula na si Dennis Padilla, na nakisali sa bukingan hinggil sa mga karanasan nila ni Robin sa trabaho at sa pag-ibig.
Nakilala ang tambalang Robin-Dennis noong 1989 nang magsama sila sa pelikulang 'Maging Sino Ka Man.' Ayon kay Dennis, “Biggest break kong nakuha. Happy ako kasi nakasama ko si Robin. Marami akong natutunan sa kanya.”
Kabilang na umano sa mga natutunan niya sa kaibigan ay 'matuto kang lumaban kapag tama 'yung ipinaglalaban mo' at 'matuto kang humingi ng tawad kapag alam mong mali 'yung nagawa mo.'
Dahil naging patok ang tambalan nila, itinuring silang katumbas ng tambalang FPJ – Dencio Padilla ng kanilang henerasyon. Kwento pa ni Robin, pinili talaga niyang sidekick si Dennis dahil galing ito sa angkan ng magagaling ng aktor.
“Tinatanong ako ni Boss Vic kung sino ba ang okay sa akin. Marami silang pinakita. Sabi ko, 'Ito gusto ko kasi anak ni Tito Dencio. Sigurado magaling ito,'” ayon sa action star.
Kahit raw sa tunay na buhay ay magkatambal pa rin sila, lalo na kung may nagugustuhang babae ang isa.
Kwento ni Dennis, dahil hindi masyadong madaldal si Robin, siya na ang kumakausap sa mga babae para sa kaibigan. “Aanihin ko na lang 'yung kanyang itinanim," ayon kay Robin.
Gayunpaman, hindi raw sila kailanman naging magkaribal sa pag-ibig. Biro ni Dennis, “'Yung hindi successful sa kanya, napupunta naman sa akin.”
Hanggang ngayon, kilala si Robin bilang tunay na action star at naroon pa rin ang dating niya bilang isang bad boy. Ngunit inamin ng aktor na kailanman ay hindi siya uubra sa mga babae, kaya naman ilang beses na raw siyang napaiyak ng mga naging karelasyon.
“Aminado ako na kailanman, hindi ko matitiis at hindi ko kayang sabihin na mas malakas ako sa mga babae,” aniya.
Ilang taon man ang lumipas simula noong makilala siya bilang action star at bad boy ng pelikulang Pilipino, hindi pa rin kumukupas ang tapang ni Binoy lalo na at delikado raw ang mundo ngayon. Payo niya sa lahat, “Hindi ka pwedeng puro good boy kasi aapihin ka dito. Dalawa lang ang rules sa mundo: Wag kang mang-aapi at wag kang magpapa-api.”
MMFF entry
MMFF entry
Mapapanood si Robin sa Metro Manila Film Festival entry na 'Bonifacio: Ang Unang Pangulo' sa darating na araw ng Pasko. Kasama niya rito ang dating leading lady at kasintahan na si Vina Morales, at marami pang iba.
Layon na raw ni Robin bilang isang artista ngayong maituturing na siyang batikan sa industriya ang gumawa na lamang ng pelikulang makabuluhan at 'para sa pagbabago ng lipunan.'
Aniya, “Tangkilikin niyo po ang pelikulang Pilipino, higit sa lahat ang mga pelikulang tunay na nagbibigay ng serbisyo. Hindi lang iniisip 'yung kikitain kundi 'yung iiwan sa inyo hanggang sa pag-uwi, hanggang sa inyong mga anak.” — RSJ, GMA News
Tags: robinpadilla, kyliepadilla
More Videos
Most Popular