ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz
#Throwback2014: Celebrities and personalities who passed away this year
By BIANCA ROSE DABU, GMA News
Ilang personalidad mula sa showbiz, pagbabalita, radyo, telebisyon, at pelikula ang namaalam ngayong taon. Balikan natin ang mga alaalang kanilang iniwan at ang mga naiambag nila sa kani-kanilang larangan kasabay ang panalangin para sa kanilang kapayapaan at pag-asa para sa pamilya at mahal sa buhay na kanilang naiwan.
Arvin "Tado" Jimenez (March 24, 1974 – February 7, 2014)
Kabilang ang komedyanteng si Tado, o Arvin Jimenez sa tunay na buhay, sa 15 na kataong nasawi sa Bontoc bus accident noong Pebrero sa Mountain Province. Nalaglag ang pampasaherong bus na lulan ang halos 50 pasahero, 32 dito ang sugatan.
“Ang sinasabi nagkaroon ng mechanical defect sa sasakyan kaya nagkaroon ng problema. Titignan natin kasi may nakitang skid mark.Yun ang isa sa mga dahilan kung bakit nahulog yung bus,” ayon kay Mountain Province police chief Senior Superintendent Oliver Enmodias
Bukod kay Tado, namatay din sa insidente ang visual artist na si Gerard Baja, at ang musician na si David Sicam, na kasama ang pamilya na ipagdiriwang sana ang ikaapat na kaarawan ng kanyang bunsong anak.
Ilang araw matapos ang insidente, nagpahayag ng protesta ang asawa ng komedyante sa pamamagitan ng pagpapakalbo sa harap ng G.V. Florida Transport bus terminal sa Sampaloc, Manila.
Layon daw nitong iparating ang kanyang galit hinggil sa kawalan ng pag-iingat at responsibilidad ng GV Florida Bus Lines at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB). Isa rin itong pagsusumamo umano para sa hustisya.
Roy Alvarez (March 23, 1950 – February 11, 2014)
Pumanaw noong nakaraang Pebrero ang aktor na si Roy Alvarez, 63, dahil sa atake sa puso.
Gumanap sii Roy sa hit series na 'My Husband's Lover' na kinilala na ngayon maging sa ibang bansa. Bukod sa mga ito, napanood rin ang aktor sa Amaya, Unforgettable, Alice Bungisngis and Her Wonder Walis, at Pahiram Ng Sandali.
Bukod sa pagiging aktor, kilala ring direktor at scriptwriter sa pelikula, telebisyon, at teatro si Roy. Sa katunayan, aktibo pa rin siya sa showbiz bago siya mamatay. Matatandaang gumaganap pa siya noon bilang Don Manolo Quintana sa afternoon sop ng GMA Network na 'Villa Quintana.
Ang pumalit kay Roy bilang Don Manolo sa Villa Quintana ay ang aktor na si Al Tantay, na nagbalik bilang Kapuso ngayong taon.
Roldan Aquino (May 2, 1948 – March 10, 2014)
Namayapa ang kilalang character actor na si Roldan Aquino sa edad na 65 matapos sumailalim sa isang operasyon dahil sa pagbabara sa utak na naging sanhi ng kanyang stroke.
Ilan sa mga huling pelikula ni Roldan kung saan siya ay gumanap na kontrabida ay ang El Presidente (2012), Tiktik: The Aswang Chronicles (2012), at Manila Kingpin: The Asiong Salonga Story (2013).
Napanood din siya sa teleseryeng Forever (2013), na pinagbidahan ni Heart Evangelista sa GMA Network.
Ramil Rodriguez (August 22, 1941 - April 29, 2014)
Binawian ng buhay ang aktor na si Ramil Rodriguez,72, noong Abril matapos ma-diagnose ng lung cancer ilang taon na ang nakararaan. Kinumpirma ng kanyang kapatid at kasamahan sa Sampaguita Pictures na si Pepito Rodriguez ang nasabing balita.
Kilala si Ramil bilang bahagi ng tanyag na Rodriguez Brothers at ng grupo ng gma batanga artistang binansagang Stars '66, kasama sina Rosemarie Sonora, Gina Pareño, Dindo Fernando, Loretta Marquez, Juvy Cachola, Bert Leroy Jr., Blanca Gomez, at marami pang iba.
Gumanap din siya sa Kulay Rosas ang Pag-ibig noong 1968 kasama si Susan Roces, at nasundan pa ito ng halos 40 pelikula at serye hanggang sa mag-retiro siya mula sa showbiz noong 2010.
Robin Williams (June 21, 1951 – August 11, 2014)
Namatay ang US actor na si Robin Williams, 63, noong Agosto dahil sa asphyxia na dulot ng pagkakabigti. Nagpakamatay umano ang aktor matapos dumanas ng matinding depression. Natagpuan ang labi ng Robin sa kanyang tahanan sa Northern California.
Bukod sa depression, nagkaroon din ng pakikipaglaban ang aktor sa kanyang bisyo ng pag-inom.
Kilala si Williams sa pagganap bilang Genie sa 'Aladdin,' at isang therapist sa 1997 drama na 'Good Will Hunting,' kung saan umani siya ng pagkilala sa Academy Awards o Oscars. Marami rin ang naantig sa pagganap niya bilang Mrs. Doubtfire, isang lalaking nagpanggap bilang katulong upang makasama ang mga anak matapos ang divorce nila ng kanyang asawa.
Naiwan ng aktor ang kanyang asawang si Susan Schneider at mga anak na sina Zelda, Cody, at Zachary.
Maiko Bartolome (August 18, 2014)
Kabilang ang dating EB Babes member na si Maiko Eleva Bartolome sa mga nasawi sa trahedyang naganap sa isang ilog sa San Miguel, Bulacan kung saan tinangay ng malakas na agos ng tubig sa Madlum River ang mga mag-aaral ng Bulacan State University na nagdaraos ng kanilang field trip.
Huling natagpuan ang katawan ni Maiko sa pitong mag-aaral na nasawi sa nasabing trahedya. Kinilala ang mga biktima bilang sina Helena Marcelo, Michelle Ann Rose Bonzo, Sean Alejo, Mickel Alcantara, Madel Navarro, at Janet Rivera.
Mark Gil (September 25, 1961 – September 1, 2014)
Namatay noon Setyembre matapos ang halos tatlong taong pakikipaglaban sa lung cancer ang aktor na si Mark Gil, o Ralph John Eigenmann sa tunay na buhay.
Matapos marinig ang hindi magandang balita, pinili umano ni Mark na hindi na sumailalim sa pagpapagamot at tinanggap na lamang niya ang kanyang kapalaran, ayon sa kaibigan nitong si Rez Cortez. Hindi ipinaalam ng pamilya at mga kaibigan ng aktor ang kanyang kalagayan hanggang sa siya ay mamatay dahil na rin sa kanyang pakiusap.
Bahagi si Mark ng isa sa pinakarespetadong angkan sa showbiz. Isa siya sa tatlong anak nina Eddie Mesa at Rosemarie Gil, at kapatid niya sina Cherie Gil at Michael de Mesa. Karamihan din sa kanyang mga anak ay sumabak sa showbiz, kabilang sina Gabby Eigenmann (anak ni Mark kay Irene Celebre), Sid Lucero (anak ni Mark kay Bing Pimentel), at Andi Eigenmann (anak ni Mark kay Jaclyn Jose).
Si Maricar Jacinto ang huli niyang kasintahan, na hindi na niya napakasalan dahil sa biglaang pagkamatay.
"Naaalala ko lang nung sinabi niya sa ‘kin na sana bago siya mawala ay kung pwede sana magpakasal silang dalawa ni Maricar, na ako naman baka naman may time pa so nagre-relax relax muna. Pero ‘yun sana nangyari 'yung kanyang wish na 'yun," ayom kay Rez.
Sa kabila ng karamdaman, patuloy na tumanggap ng TV projects si Mark, kagaya na lamang ng hit serye na 'My Husband's Lover' kung saan gumanap siya bilang ama ng karakter na ginagampanan ni Carla Abellana.
Sa kabila ng kaliwa't kanan niyang mga proyekto sa ilang taon niyang pamamayagpag sa showbiz, tila isa nga sa nagtatak ng pangalan ni Mark Gil sa puso at isip ng mga tao ang pagganap niya bilang isang neophyte sa 1980s film na 'Batch '81.'
Cielito Legaspi-Santiago (September 26, 2014)
Pumanaw ang dating aktres at butihing ina ng Santiago brothers na si Gng. Cielito Legaspi-Santiago matapos ang ilang buwang pagkaka-confine sa ospital.
Bumida si Cielito sa ilang pelikula noong dekada 60's tulad ng "Sumpa at Pangako," "Walang Daigdig" at "Mahal Kita Inay." Kabiyak siya ng yumaong direktor na si Pablo Santiago.
Naiwan niya ang mga anak na sina Randy, Rowell, Reily, at Raymart Santiago.
Tiya Pusit (October 2, 2014)
Matapos ang pakikikipaglaban sa iba't ibang sakit, binawian na ng buhay si Tiya Pusit, o Myrna Villanueva sa tunay na buhay noong October dahil sa multiple organ failure sa edad na 66.
Bago ang kanyang pagkamatay, na-diagnose ang komedyante ng aortic aneurysm at kidney failure kaya siya dinala sa ospital at inoperahan. Hindi na bumuti ang kanyang kalagayan matapos ang huling operasyon na kanyang pinagdaanan.
Tumatak sa publiko ang paraan ng makakikiliting pagtawa ni Tiya Pusit na napanood sa maraming pelikula tulad ng Pakners, Once Upon a Time in Manila, Good Morning Teacher, at marami pang iba.
Napanood din siya sa maraming programa sa telebisyon tulad ng One True Love, Beh Bote Nga at Bahay Mo Ba 'To sa GMA.
Johnny Midnight (March 31, 1941 – October 6, 2014)
Ilang araw lamang matapos pumanaw ni Tiya Pusit, binawian rin ng buhay ang batikang radio host na si Johnny Midnight, o John William Xeres-Burgos Joseph Jr., sa tunay na buhay dahil sa mga komplikasyong dulot ng prostate cancer.
Kilala si Johnny sa larangan ng radio broadcasting, at bilang isa sa mga radio host ng dzB. Naging tanyag rin siya sa kaniyang programa sa radyo tulad ng "Midnight Connection" kung saan nagsagawa siya ng healing session na sinamahan ng “toning” at "pyramid."
Elaine Gamboa-Cuneta – November 5
Kamakailan lamang, binawian na ng buhay ang ina ng aktres at Megastar Sharon Cuneta at lola ng young actress na si KC Concepcion na si Elaine Gamboa-Cuneta dahil sa profuse bleeding and other internal complications. Nakatakda sanang sumailalim sa operasyon si Elaine matapos ang halos isang buwang pagkaka-confine sa ospital.
Si Elaine ay dating beauty queen, singer, at aktres na bumida sa mga pelikula tulad ng “Bondying” noong 50s.
Mayroon siyang dalawang anak-- sina Chet at Sharon-- kay dating Pasay City Mayor Pablo Cuneta na ikinasal sa kanya noong 1993 matapos ang matagal nilang pagsasama. Kapatid niya rin ang kilalang aktres na si Helen Gamboa-Sotto, asawa ni Senador Tito Sotto.
Raffy Marcelo (1946 - November 15, 2014)
Binawian ng buhay ang beteranong mamamahayag at dating GMA News anchor na si Raffy Marcelo sa edad na 65 dahil sa cardiac arrest na resulta ng congestive heart failure.
Dahil na rin sa pakiusap ng mamamahayag, nai-cremate siya sa araw ng kanyang pagkamatay at hindi siya nagkaroon ng burol. Ikinalat ang kanyang abo sa paanan ng Mt. Apo, sa sementeryo kung saan nakalibing ang kanyang lola sa Davao, kung saan rin siya lumaki, at sa katubigang nakapalibot sa Mindoro kung saan ikinalat rin ang abo ng kanyang ina.
Matatandaang nakasama niyang maging news anchor sina Tina Monzon-Palma, Sharon Lacanilao, at Jimmy Gil noong 1980s, habang nakasama naman siya noong 1990s nina Marga Ortigas, Georgette Tengco, at Gin de Mesa. — JST, GMA News
More Videos
Most Popular