Filtered By: Showbiz
Showbiz

Direk Marilou Diaz-Abaya bravely confronts breast cancer


Kahanga-hanga ang katatagang ipinapamalas ng award-winning filmmaker na si Marilou Diaz Abaya sa kabila ng pagkakaroon niya ng breast cancer. Ayon sa premyadong direktor, hindi siya nakaramdam ng takot o pag-aalala man lang nang sabihin ng doktor na mayroon siyang cancer. Enero ng taong ito nang matuklasan ni Direk Marilou na mayroon siyang breast cancer. Pero sa halip na panghinaan ng loob, matapang niyang hinarap ang pagkakaroon ng ganitong karamdaman. "I was not frightened. I was not fearful. And so when I was told I had breast cancer, I said, 'Wow! I have time!' Because I could have been in an accident or bird flu, na you only have 24 to 48 hours," positibong pahayag ni Direk Marilou sa panayam sa kanya ng TV Patrol World. Hindi naman makapaniwala ang ilang malalapit sa sikat na direktor dahil saksi sila kung paanong alagaan ni Marilou ang kanyang kalusugan. Sa katunayan, taun-taon itong nagpapatingin sa doktor. Bukod dito, alaga rin ni Marilou sa exercise ang kanyang katawan. "I'm an avid swimmer. I swim about four to five times a week. So I'm very sensitive, particularly about my breast because that affects how I swim. So when I first felt the lump, I said I was in trouble," sabi pa ng 52-year-old na direktor. Aware si Direk Marilou na posibleng ilang buwan na lang ang itagal ng kanyang buhay, pero naniniwala siya na hangga't nabubuhay ay hindi dapat mawalan ng pag-asa. "Its kind of being told you're on death row. And just like you're on death row, there's clemency and you have hope. My cancer came at a very good time," positibong pananaw niya. May mahalagang mensahe rin sa mga kapwa niya biktima ng cancer ang respetadong direktor: "Kapag may kapansanan at may sakit na ganyan, pinakamabuti talaga ay huwag ninyo masyadong dibdibin. Kaya't tinatawag iyan na karamdaman. Pakiramdaman lang ninyo. Ibig sabihin, may pinararamdam." Sa ngayon ay sumasailalim si Direk Marilou sa chemotherapy. Aminado ang direktor na hindi birong panghihina at matinding pagod ang nararamdaman niya bilang resulta ng chemo, ngunit sa kabila nito ay sinisikap niya pa ring mabuhay nang normal. Sa katunayan, tuloy pa rin ang pagtuturo niya sa Film Institute and Arts Center na itinatag niya sa Antipolo, Rizal', para tulungang hasain ang mga bagong sibol na direktor. MGA PELIKULA NI DIREK MARILOU ABAYA. Ilan sa mga hindi malilimutang pelikula ni Direk Marilou ay ang Brutal (1980), Moral (1982), Karnal (1984), Alyas Baby Tsina (1984), Ipaglaban Mo (1996), Milagros (1997), Sa Pusod ng Dagat (1998), Jose Rizal (1998), Muro-Ami (1999), at Bagong Buwan (2001). Sa mga pelikulang ito hinangaan at umani ng katakut-takot na parangal si Direk Marilou mula sa iba't ibang award-giving bodies, hindi lamang dito sa bansa kundi maging sa iba pang panig ng mundo. Si Direk Marilou ay isa sa dadalawang most-awarded women directors sa kasaysayan ng FAMAS, o ang Filipino Academy of Movie Arts and Sciences. (Ang isa pa ay si Laurice Guillen.) So far ay apat na FAMAS Best Director trophies na ang nasa pag-iingat ni Direk Marilou. Ilang parangal na rin ang natamo ni Direk Marilou mula sa Gawad Urian, FAP (Film Academy of the Philippines), Metro Manila Film Festival, at Star Awards. Samantala, labing-tatlong parangal naman at limang nominasyon ang iginawad sa kanya sa iba't-ibang international film festivals. Kabilang na ang Asian American International Film Festival, Singapore Film Festival, at Hawaii International Film Festival. - Philippine Entertainment Portal