ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Julio Diaz says he deserves the life he leads now


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Matagal-tagal na ring hindi nakikita sa pelikula at telebisyon ang aktor na si Julio Diaz. Marami tuloy ang nagtataka sa totoong dahilan ng biglaang pagkawala niya sa industriya. Sinundan ng Startalk ang tipikal na araw para kay Julio ngayong wala na siya sa showbiz. Ang simpleng buhay niya ay nagsisimula sa pagko-commute mula sa kanyang bahay sa Bulacan patungo sa kanyang trabaho sa Maynila. Ayon sa kanya, ang source of income niya ngayon ay ang pagiging empleyado ng isang networking firm at mula sa kanyang billboard. BIGLAANG PAGKAWALA. Itinuturong isa sa mga dahilan ng pagkawala ng offers para kay Julio sa showbiz ay ang insidente sa pagitan niya at ng batikang direktor na si Joel Lamangan. Ayon sa kuwento ni Julio, "Walang artistang nagmumura sa kanya maliban lang ako. Well, Jaclyn Jose can attest to that. Harap-harapan kay Jacklyn Jose pinagmumura ko si Joel Lamangan. "‘O kita mo, nasaan ako ngayon?' Wala akong ginagawa because ang impluwensya ni Joel Lamangan ay napakalakas." Gayunman, wala namang kahit kaunting pagsisisi ang aktor sa pagiging maangas niya sa direktor. Aniya, "Whenever I have done something, parang bang hindi na ako magre-regret kasi it happened, e. Kumbaga, he deserved it and I deserved it kung anuman ang nangyari sa buhay ko ngayon. Pinaninindigan ko iyan. I mean, maski na magutom ako ngayon, fine! Madali lang ang buhay na iyan." DRUG ADDICTION. Tulad ng ilang artista, aminado si Julio na nasangkot na rin siya sa paggamit ng ipinagbabawal na gamot noong kasikatan niya. "This happened on March 2, 1989, ang sabi ko rito, ‘Inamin ko ang pagsa-shabu.' Kasi wala naming big issue sa akin ito," sabi niya. Dagdag pang paliwanag niya, "Pagsa-shabu is para bang, nagpunta ako sa isang bahay sa isang mayamang... Alam mo naman noong araw, di ba? Biglang nakalatag diyan ang lahat ng masasamang bisyo. It's either you drink liquor or you go into drugs." Sa kabila ng pag-amin, nilinaw naman ni Julio na hindi siya nalulong sa nasabing bisyo. Aniya, "Ang point ko lang dito, ang pag-amin ko, is by occasion ako ay napapatikim niyan. Pero iyong sinasabi nila na I'm hooked into these vices, ang sabi ko, ‘I'm sorry di ko ginagawa ito, bumibili ako ng [shabu].'" GAY BENEFACTOR AT PROSTITUSYON. Hindi rin nakaligtas noon ang aktor sa mga usap-usapan na may gay benefactor siya. Isang bagay na para kay Julio ay hindi naman masama kung sakaling na-involve siya sa ganung sitwasyon. "It's nice to have a friend na who would be very supportive to you," pahayag ni Julio. Ngunit tahasang sinagot ng aktor na: "You really want a straight answer? Ang sabi mo kanina na-involve ako sa isang gay relationship? No." Gayunman, kung meron pa man diumanong sitwasyon na na-involve siya bukod sa drugs ito ay ang prostitusyon. Depensa ng aktor, "Walang masama! I mean, that was a long time ago. I mean, during my heydays may nagbibigay sa akin, they want to give money sa katawan ko, ‘O, sige pagbigyan!' I felt isa akong Adonis!" Bagama't hindi niya pinagsisisihan ang mga nangyari sa buhay niya, inamin naman ni Julio na nasasaktan siya sa kalagayan niya ngayon. Nagdaramdam na sinabi ni Julio, "It hurts me kasi para bang in my heydays, they are the ones na talagang nagkandarapang kunin ako. Kahit na hindi na ako halos magkandaugaga, e, they keep on waiting on me. "And now nagtataka ako bakit para bang, all of a sudden, ‘Hey, I'm no longer in need,' as if I'm invalid." Sa kabuuan, tanggap na ni Julio ang sinapit ng kanyang showbiz career. Hindi na rin siya lubusang umaasa na maibabalik pa sa dati ang kanyang kasikatan. Para kay Julio: "Okay na rin sa akin 'yong maging support na lang ako, pero dreaming to be a bida again is impossible and it's a reality." Ang ilan sa mga pelikulang nagawa ni Julio ay Sinner or Saint (1984), Paano Tatakasan ang Bukas (1988), Kailan Ka Magiging Akin (1990), Aliwan Paradise (1992), Bayani (1992), Sakay (1993), The Flor Contemplacion Story (1995), Segurista (1996), Sana Pag-ibig Na (1998), Hubad sa Ilalim ng Buwan (2000), Balahibong Pusa (2001), at Lapu-Lapu (2002). Huli siyang napanood in a guest role sa primetime drama series na Forever In My Heart, starring Regine Velasquez, Richard Gomez, and Ariel Rivera. - Philippine Entertainment Portal

Tags: juliodiaz