ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz
Jam Sebastian ng Jamich pumanaw na
+
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
Halos isang taon mula nang matuklasan na mayroon siyang stage-4 lung cancer, pumanaw na nitong Miyerkoles ng 10:30 a.m. ang 28-anyos na YouTube sensation na si Jam Sebastian, ayon sa kanyang inang si Maricar Fernando Sebastian.
Sumakabilang-buhay si Jam habang nakaratay sa St. Luke's Medical Center sa Taguig City.
Ang kanyang pagpanaw ay kaagad na kumalat sa social media kung saan kilala rin ang love team nilang "Jamich," ang tawag sa tambalang Jam at nobya nitong si Mich Liggayu.
Sa mga huling sandali ni Jam, nanatili sa tabi nito ang fiancée niyang si Mich.
Post by Mich Liggayu.
Nitong Huwebes, nag-post sa Facebook ang ama ni Mich tungkol sa biglaang pagpunta nila ng anak sa ospital matapos na malaman ang paglubha ng kondisyon ni Jam.
Sinabing nasa tabi ni Jam ang mga mahal niya sa buhay ng mga sandaling iyon.
Noong nakaraang Enero, inamin ng ina ni Jam na hiniling ng kaniyang anak na tapusin na ang paghihirap nito sa pakikipaglaban sa sakit. Pero hindi kayang pagbigyan ng pamilya ang kahilingan ng binata.
Nitong nakaraang mga linggo, naging positibo ang pananaw ni Jam at maging ng kaniyang pamilya, at itinuturing nilang himala ang patuloy na paglaban ng binata sa sakit lalo na't natuklasan nila na kumalat na rin sa buto ang cancer.
YouTube couple
Nagsimula ang love story nina Jam at Mich sa Internet, at sa pamamagitan rin nito ay lalong lumalim ang kanilang relasyon at nakilala sila ng netizens bilang JaMich.
Mula sa YouTube hanggang Facebook, Twitter at Instagram, milyun-milyong viewers at followers ang sumusubaybay sa kanilang tambalan.
Sa kabila ng masaya at inspirational stories na ibinabahagi nila sa pamamagitan ng photos at videos, naharap sa matinding pagsubok ang pagmamahalan ng dalawa nang ma-diagnose na may cancer si Jam noong March 2014.
Kasabay ng pakikipaglaban ni Jam sa sakit, lalo pang tumibay ang kanilang pagmamahalan.
Dalawang buwan matapos isapubliko ang karamdaman ng binata, nagkaroon ng memorable wedding proposal ang dalawa nang sorpresahin ni Mich si Jam ng engagement ring at ang dalaga ang nag-alok ng kasal.
Lalo nitong pinatatag ang pag-asa at pananampalataya ng dalawa, kasama ang kanilang mga kaanak, kaibigan at mga mahal sa buhay na gagaling ang binata upang harapin ang buhay at paghandaan ang kanilang kasal.
Nitong nakaraang Valentine's Day, sinorpresa ni Mich si Jam ng flash mob upang mapangiti ang kasintahan, na nanood sa pamamagitan ng video call.
Bago matapos ang taong 2014, muling nagpahayag si Mommy Maricar at ang kapatid ni Jam na si Yexel na hindi nila iiwan ang binata at naniniwala silang gagaling ito at malalampasan ang hinaharap na pagsubok.
Pero sa pagpasok ng 2015, nakita na ayaw magpatalo ng sakit at kasabay nito ang pagdaing ni Jam na nahihirapan na siya sa pakikipaglaban. —Bianca Rose Dabu/FRJ/ELR/KG, GMA News
More Videos
Most Popular