Filtered By: Showbiz
Showbiz

Cherie Gil wins Best Actress, Nora Aunor receives Lifetime Achievement Award at 2015 ASEAN International Film Festival and Awards


Pinarangalan bilang Best Actress sa nagdaang 2015 ASEAN International Film Festival and Awards (AIFFA) ang batikang aktres na si Cherie Gil para sa kanyang pagganap sa bilang opera singer sa pelikulang 'Sonata.'
 
Naganap ang nasabing parangal nitong Sabado, April 11, sa  Borneo Convention Centre sa Kuching, Malaysia.
 
Sa isang Facebook post, nagpasalamat si Cherie sa lahat ng nasa likod ng pelikula, lalo na sa mga direktor nitong sina Peque Gallaga at Lore Reyes. Inialay niya rin ang kanyang tagumpay sa namayapang kapatid na si Mark Gil.
 
Kabilang sa mga nominado para sa Best Actress sina Vivian Velez (Bendor),  Barbara Miguel (Nuwebe), Krystle Valentino (Purok 7), at ang Indonesian actress na si Prisia (Sekola Rimba). 
 

Howa!!!! Thank you so much #AIFF Tarima kase Malaysia We did it ! SONATA family :-) Love love love Nelson Bakunawa Jo...

Posted by Cherie Gil Eigenmann on Saturday, April 11, 2015

 
Samantala, tinanggap naman ng Superstar na si Nora Aunor ang Lifetime Achievement Award para sa kanyang naging kontribusyon sa pelikula hindi lamang sa Pilipinas kundi maging sa mga bansang kabilang sa ASEAN. Kasama niyang kinilala ang Hong Kong action star na si Jackie Chan na tumanggap naman ng ASEAN Inspiration Award.
 
Ilan pa sa mga Pinoy na nagdala ng karangalan sa bansa ang Filipino filmmaker na si Joseph Israel Laban na nagwagi bilang Best Director para sa pelikulang 'Nuwebe' na bahagi ng Cinemalaya 2013, pati na si Benjamin Tolentino na nanalo bilang Best Editor para sa 'Bendor.'  Iniuwi naman ng pelikulang 'Purok 7' ang ASEAN Spirit Award.
 
Kabilang naman sa mga Pilipinong nominado sa AIFFA sina Allen Dizon ("Magkakaubang") para Best Actor, Nico Antonio ("Red") para sa Best Supporting Actor, Bernard Dacanay ("Red" and "Sonata") para sa Best Photography, at Ralston Jover ("Bendor") at Wanggo Gallaga ("Sonata") para sa Best Screenplay.
 
— Bianca Rose Dabu/JDS, GMA News