Nora Aunor, binatikos ang gobyerno kaugnay sa kaso ni Mary Jane Veloso
Binatikos ni Nora Aunor ang mabagal umanong pagtutok ng gobyerno sa kaso ni Mary Jane Veloso, ang overseas worker na hinatulang mamatay sa pamamagitan ng firing squad dahil umano sa pagpuslit ng droga sa Indonesia.
Ayon kay Nora, dapat daw naging mas maagap ang gobyerno sa pagkilos para nailigtas ang buhay ni Veloso.
Panimula ni Ate Guy sa panayam ng 24 Oras, “Bakit last minute lang?”
Patuloy niya, “Ang sa akin naman kasi, hindi naman sa ano pang bagay, kung nabalitaan na natin noong araw na mayroong ganyan dapat noon pa may nag asikaso na."
Humingi rin ng paumanhin ang Superstar na hindi siya nakadalo sa isinagawang vigil sa Indonesian embassy.
Aniya, “Sa pamilya niya dapat nagkita kami pero pasensiya na po kayo at hindi ako nakarating doon sa usapan po natin. Mayroon po akong importanteng ginawa kaya hindi po ako nakarating pero magkikita po tayo at makikilala ko rin po kayo.”
Minsan nang gumanap si Nora bilang si Flor Contemplacion, ang OFW sa Singapore na pinatawan din noon ng death sentence. - CHERRY SUN, GMANetwork.com