Glaiza de Castro launches self-produced album ‘Synthesis’
Bukod sa pagiging abala sa upcoming GMA Primetime series na "The Rich Man's Daughter", masaya ring ipinamalas ng aktres na si Glaiza de Castro ang kanyang talento sa pag-awit matapos niyang i-launch ang kanyang self-produced album na "Synthesis" noong Abril.
Ayon kay Glaiza, pangarap niyang magkaroon ng pagkakataon na makagawa ng musika, at nagpapasalamat siya na nabigyan siya ng oras para dito sa kabila ng hectic schedule bilang isang artista.
Nagpaabot rin siya ng pasasalamat sa mga tumulong sa kanya at sumuporta sa kanyang pangarap, kabilang na ang mga kaibigan at kapwa-artista na sina Chynna Ortaleza, Benjamin Alves, Alessandra de Rossi, Angelica Panganiban at marami pang iba.
"Isa sa mga pinangarap kong gawin, pinagdasal at ibinigay naman ayon sa oras Niya. Patuloy akong magpapasalamat sa lahat ng mga taong sumuporta, dumating, nagpahayag sa social media, radyo, telebisyon o nagsingit sa kwentuhan. Pati narin sa bumili ng CDs," aniya.
Ipinakita naman ng kanyang malapit na kaibigan at co-star sa 'The Rich Man's Daughter' na si Chynna ang kanyang suporta sa pamamagitan ng paggawa ng isang simpleng artwork na inspired ng mga kanta ni Glaiza.
"When art inspires art," ayon sa aktres sa caption ng larawang nai-post niya sa Instagram.
Kabilang ang ilan sa mga guhit ni Chynna sa package ng 'Synthesis' album na mabibili rin sa Runner's Kitchen, ang healthy and organic restaurant kung saan co-owner si Glaiza.
A photo posted by Chynna Ortaleza (@chynsortaleza) on
A photo posted by Runner's Kitchen (@runnerskitchenph) on
Samantala, sa isang panayam sa Pep.ph, ibinahagi ni Glaiza na ginawa niyang self-produced ang album dahil bukod sa nais niyang awitin ang mga kantang nilikha niya mismo, ayaw niya rin umanong ma-compromise ang kanyang pagiging artist.
Walong kanta ang mapapakinggan sa kanyang album at lahat ng ito ay isinulat ng aktres, ang iba ay sa tulong ng ilan sa kanyang mga kaibigan, gaya na lamang ni Angelica Panganiban.
Nais raw niya na awitin ang mga kanta na malapit sa kanyang puso at maibahagi na rin sa bagong henerasyon ang mga kantang likha niya.
“I have nothing against revivals. Pero ang kumikita lang kasi diyan ay ang may-ari ng song, e. 'Tsaka mahirap na rin yung maku-compare ka pa sa original singer. Whereas kapag original ang inaawit mo, magkakaroon pa sila ng appreciation na nag-effort ka to create this new music," paliwanag niya.
Dagdag pa ni Glaiza, “I want to make my own music and the only way I can do that is to produce it myself. And I am happy about this achievement in my career in music."
“Sa simula naman talaga, singing ang unang love ko. Kaya ngayon ay nag-full blast na ako dahil na rin sa tulong ng family and close friends. Kami-kami ang nagtulong-tulong to create my music,” diin pa niya.
Matatandaang noong 2007 ay nagkaroon na ng multi-genre eclectic self-titled album si Glaiza sa ilalim ng isang record label. Ito ay may halo ng rock, pop, rhythm and blues, at ballads.
Inihayag niya ang pagnanais niyang makapag-produce ng sariling album dalawang taon na ang nakararaan matapos niyang mapag-desisyunang gumawa ng sariling mga kanta kagaya ng kanyang nakagawian bilang miyembro ng isang banda noon bago siya maging artista. — Bianca Rose Dabu/DVM, GMA News