Martin del Rosario admits crush on Kylie Padilla: ‘Ina-admire ko siya’
Magkakatambal ang GMA Network artist at Gawad Urian 2015 Best Supporting Actor na si Martin del Rosario at ang Kapuso actress na si Kylie Padilla sa panibagong Kapuso teleserye na “Buena Familia,” at hindi nga itinanggi ng aktor na labis ang paghanga niya sa kagandahan at talento ng bagong ka-love team.
“Very jolly si Kylie,” sabi ni Martin nang mausisa kung ano ang mga katangiang nagustuhan niya sa young actress.
“Palatawa siya and laging naka-smile. At saka first time naming magkausap na napakagaan lang. Walang awkward, ha? 'Tapos after no’n, ang dami-dami na namin laging napapag-usapan,” lahad niya.
Pareho silang single ni Kylie. Posible kaya na magkagustuhan sila kagaya ng karaniwang nangyayari sa ibang nagkakatambal sa isang proyekto?
“Tingnan natin,” sabay ngiti ng aktor.
Appealing ba sa paningin niya si Kylie?
“Oo,” nangiti ulit na pag-amin niya.
“Gusto ko yung mga medyo mestisa na tsinita… ganyan. At matagal ko na ring sinasabi sa mga interview before ko pa siya makatrabaho na isa siya sa gusto ko ngang makatrabaho,” pahabol pa niya.
Medyo close na nga raw sila ng dalaga sa ngayon. Kapag nagkakasama ba sila sa taping, nagku-confide na ba ito sa kanya?
“Well, kasi yung first taping day, hindi ko pa siya kaeksena. Pero siguro yung unang beses naming magkausap sa workshop, 'yon… nagsasabi siya ng mga stories about yung mga personal niya rin at mga lovelife,” patuloy niyang kuwento.
Hindi ba siya naiilang kapag naiisip niya na si Robin Padilla ang ama ni Kylie na napaka-protective sa mga anak na babae?
“Hindi naman po. Kasi trabaho lang naman po,” nangiti ulit si Martin.
Wants to know Kylie better
Aminado siyang nakakaramdam ng admiration para kay Kylie. So open kaya ang posibilidad na manligaw siya kung mabibigyan nga ng pagkakataon?
“Why not?” ngiti na naman niya.
“Bago ko pa lang siya nakilala, e… I’m looking forward na mas makilala ko pa siya. Kasi alam kong mukha naman siyang mabait na tao and mabilis talagang pakisamahan.”
Masasabi niya talagang… hindi mahirap mahalin si Kylie?
“Ay, oo. Hindi talaga!” tawa niya.
“Kasi sa unang pagkakausap mo sa tao, malalaman mo na yung ugali ng tao.”
Ang ang mga qualities ni Kylie na pasok sa standard niya ng ideal girlfriend na kayang hinahanap?
Ayon kay Martin, “Yung ano… siguro yung hindi sobrang showbiz. And totoong tao. Totoong makipag-usap. Yung alam mo na hindi ka niloloko o pina-plastik.”
Crush
Dahil type niya si Kylie, hindi ba siya na-love at first sight sa dalaga?
“Hindi naman love agad!” pagklaro ni Martin.
“But… crush. Nagagandahan talaga ako kay Kylie and attracted nga ako sa kanya. And no'ng nakusap ko siya at alam kong mabait siya, siyempre… 'yon! Ina-admire ko siya.”
Ang ama ni Kylie na si Robin Padilla, mahigpit. May mga rules na dapat sundin ng mga manliligaw o magiging karelasyon ng mga anak na babae.
Handa si Martin na sundin ito kung saka-sakali?
“Gagawin ko iyon kapag dumating na sa point na ‘yon,” paglinaw ng aktor.
“Kasi as of now, hindi ko po masasabi.” - Pep.ph