Rhian Ramos, inamin na handa siyang tumandang dalaga
Nasa isang masayang relasyon man siya ngayon sa racer at three-time Vios Cup Champion na si Jason Choachuy, sinabi ng Kapuso actress at “The Rich Man's Daughter” star na si Rhian Ramos na hindi mahalaga sa kanya ang pagpapakasal, at handa umano siyang tumandang dalaga.
Sa isang panayam sa Startalk nitong Sabado, sinabi ni Rhian na nais niyang maging bukas sa anomang naisin at ipagkaloob ng Panginoon para sa kanya.
“[Being married] is not a must para sa akin. Okay lang sa akin na maging matandang dalaga,” aniya.
Dagdag pa ng aktres, “Ayoko kasi na mag-dream o mag-plano masyado about sa future ko. Gusto ko open ako lagi sa kung ano ang gusto ni God.”
Samantala, kaugnay ng pinagbibidahan niyang teleserye na tumatalakay sa same-sex relationships at homosexuality, ibinahagi rin ni Rhian na hindi imposible na makaramdam siya ng paghanga at pag-ibig sa kapwa babae.
“Hindi siya imposible. For example, kapag tinitignan ko si Glaiza, iniisip ko talaga 'yung naa-appreciate ko siya. Kapag kinakausap naman ako ni Althea, parang may nararamdaman talaga akong love,” paglalahad niya.
Ayon naman sa kanyang co-star at leading lady na si Glaiza de Castro, “Hindi talaga siya imposible, kasi marami na akong na-meet na taong kagaya namin [Jade at Althea], napapansin ko na they have true love. Person 'yun love nila, regardless of the gender.”
Mapapanood ang “The Rich Man's Daughter” gabi-gabi sa GMA Primetime block. — Bianca Rose Dabu/BM, GMA News