Filtered By: Showbiz
Showbiz

Vic Sotto, GMA Network personalities kabilang sa Reader’s Digest awardees


Kabilang sa mga pinarangalan sa nagdaang Reader’s Digest Most Trusted Brand at personalities awards ngayong taon ang GMA Network at ilang Kapuso personalities, kasama na si “Eat Bulaga” host Vic Sotto.

Ayon din sa ulat ni Maki Pulido sa “24 Oras” noong Miyerkules, pinarangalan bilang Most Trusted News Presenter sa ikalimang sunod na pagkakataon ang GMA News broadcast journalist, “State of the Nation” anchor, at “Kapuso Mo Jessica Soho” host na si Jessica Soho.

Nagpasalamat naman ang batikang newscaster sa mga nagtitiwala sa kanya at sa GMA, at nangako na patuloy na maghahatid ng pinakabago at pinakamahalagang balita sa sambayanang Pilipino.
 
Aniya, “Lagi kong iniisip na napakalaking bagay ng tiwala or trust, kaya para sa akin, isa itong malaking responsibilidad na kailangan mong patunayan na you're worthy of the trust. That is why I'm thankful, but at the same time, naiisip ko rin na dapat conscious ako lagi kung ano ang role ko as a journalist.”
 
“Makakaasa po kayo na patuloy naming pagsusumikapan na ihatid ang mga balitang kailangan ninyong malaman sa ngalan ng serbisyong totoo,” dagdag pa ni Soho.

Samantala, iginawad naman sa world boxing champion at Pambansang Kamao na si Manny Pacquiao ang Most Trusted Sports Personality.

Bukod sa pagiging isa sa pinakasikat at pinakahinahangaang boksingero sa buong mundo, kilala rin si Pacman bilang endorser ng iba't ibang local at international brands, bukod sa kanyang pagiging pastor, congressman, at basketball playing coach.

Nitong linggo lamang din, itinanghal si Manny bilang world's second highest-paid celebrity ngayong taon ayon sa Forbes magazine matapos siyang kumita ng $160 million, o humigit-kumulang P7.2 billion, mula sa kanyang boxing career at iba pang celebrity commitments.

Bossing Vic

Natanggap naman ng Kaspuo actor and comedian at batikang “Eat Bulaga” host na si Bossing Vic Sotto ang Most Trusted Entertainment Personality Award, habang nakuha naman ng GMA Network ang Gold Award for Most Trusted Brand for TV Network.

“Makakaasa po sila na 'yung tiwala nila ay hindi natin isasawalang-bahala, bagkus pagyayamanin pa po natin ito,” ayon kay Teresa Pacis, AVP For Corporate Affairs ng GMA Network, Inc.



— Bianca Rose Dabu/LBG, GMA News

Tags: vicsotto