ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz
Glaiza de Castro fulfills dream of singing original song on TV
By BIANCA ROSE DABU, GMA News
+
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
Bukod sa pagiging isa sa pinakakilalang Kapuso actress ngayon kasabay ng pagsikat ng GMA Primetime series na “The Rich Man's Daughter,” nakikilala na rin ang aktres na si Glaiza de Castro bilang isang recording artist matapos niyang ilabas ngayong taon ang “Synthesis,” ang kanyang kauna-unahang self-produced album.
Patuloy na gumanda ang takbo ng music career ni Glaiza nang mag-No. 1 sa iTunes Philippines chart ang kanyang album, at nang naging pangatlo rin ito sa nationwide sales sa mga pangunahing record stores noong Mayo.
Kaugnay nga ng tuloy-tuloy na pagsikat ng kanyang album, natupad na rin ang pangarap ni Glaiza na makakanta ng orihinal niyang awitin sa national television.
Noong Linggo, itinampok si Glaiza sa Sunday musical variety show na “Sunday All Stars” habang inaawit ang “Dusk 'Til Dawn,” ang hit single mula sa kanyang self-produced album.
Aniya sa isang Instagram post matapos ang kanyang performance, “Definitely one for the books. It's my dream to sing an original song on TV because I wanted to share a message.”
“Before I went up on stage I was so nervous, my hands were cold, my mind unfocused but my heart was ready,” dagdag pa ng “The Rich Man's Daughter” star.
Samantala, suportado naman ng kanyang mga kaibigan ang music career ni Glaiza, at nito ngang nakaraang linggo lamang ay nakiisa sila sa sinimulang online trend ng Kapuso actress na tinawag niyang “The Country Tree Clap.”
Makikita sa videos ng naturang trend na pumapalakpak si Glaiza at ang kanyang mga kasama ng isang beat na gawa mismo ng aktres, at saka siya kakanta ng mga bahagi ng ilan sa mga awitin na maririnig sa kanyang album.
Kabilang sa mga celebrity na makikita sa Instagram account ni Glaiza na gumagawa nito ang kanyang leading lady na si Rhian Ramos.
Sumakay na rin sa #CountryTreeClub bandwagon ang iba pang bahagi ng cast ng GMA Primetime show na "The Rich Man's Daughter," gaya na lamang nina Pauleen Luna, Mike Tan, Al Tantay, TJ Trinidad, pati na ang kaibigan ni Glaiza at RnB Prince na si Jay-R.
Mayroon na ring video ng naturang trend ang production team ng Sunday All Stars kung saan pinangunahan naman ang pagpalakpak ng malapit na kaibigan ni Glaiza at co-star sa “The Rich Man's Daughter” na si Chynna Ortaleza.
Sa ngayon, mayroon nang 134 Instagram posts tungkol sa #CountryTreeClap na sinimulan ng aktres. — RSJ, GMA News
Tags: glaizadecastro
More Videos
Most Popular