Marvin Agustin, Carlo Aquino offer help for Jiro Manio through AiAi delas Alas
Naging hands-on ang Comedy Queen at 'Let The Love Begin' star na si AiAi Delas Alas sa pagtulong sa dating child star at anak-anakan niya sa showbiz na si Jiro Manio matapos lumabas ang balitang nagpapalaboy-laboy ito sa Ninoy Aquiono International Airport (NAIA) Terminal 3 nitong nakaraang linggo.
Bukod sa mabilis na pananawagan upang mahanap ito, agad rin niyang pinuntahan si Jiro, kinausap nang masinsinan at buong-pusong nagbigay ng tulong at suporta na para bang isang tunay na ina sa former child star.
Matatandaang naging malapit ang loob ng Kapuso actress and comedienne sa “Magnifico” star dahil nagkasama sila sa comedy film franchise na “Tanging Ina,” kung saan gumanap si Jiro bilang isa sa labindalawang anak ng karakter ni ginampanan naman ni AiAi.
Nitong mga nakaraang araw nga, marami nang mga kapwa artista nila ang nagpaabot ng tulong at suporta para kay Jiro, kabilang na ang mga naging “kapatid” niya sa mga pelikula na pinagsamahan nila ng Comedy Queen.
Kasabay ng pagkikita ni AiAi at ng kanyang anak-anakan matapos itong makauwi pagkaraang mamalagi sa terminal ng paliparan ng halos limang araw, agad ring nag-text ang aktor na si Carlo Aquino upang magpaabot ng tulong sa pamamagitan ng kanilang 'Tanging Ina.'
A photo posted by Martina Eileen Delas Alas (@msaiaidelasalas) on
Nitong Linggo naman, ipinarating din ng aktor, businessman at restaurant owner na si Marvin Agustin ang kagustuhang makatulong kay Jiro.
Aniya sa text message na nai-post ng batikang aktres at komedyante sa kaniyang Instagram account kamakailan lamang, handa siyang sanayin si Jiro at bigyan ito ng trabaho sa kahit anong posisyon pa ang kaniyang gustuhin.
“I'm praying na magtuloy-tuloy na ang recovery niya... Mama, balitaan mo lang ako. Sabihin mo kay Jiro, may kuya siya na naghihintay sa kaniya at ready na ready tumulong. Iyakap mo na lang po ako,” dagdag pa ng aktor.
A photo posted by Martina Eileen Delas Alas (@msaiaidelasalas) on
Samantala, sa isang mensahe na ipinadala ng mga nangangalaga kay Jiro nitong Sabado, sinabi nila na bumubuti na ang lagay nito at malapit na siyang makabalik sa dati.
“Jiro is in better shape now. He's almost back to the Jiro we have known. Let's continue to pray and support him so he can surpass his current challenges and rise above them.” -Bianca Rose Dabu/NB, GMA News