Jean Garcia, hindi raw magpapatawag na ‘lola’ sa kanyang unang apo
Kasabay ng kabuwanan ng kanyang anak na si Jennica Garcia-Uytingco nitong Hunyo, ibinahagi ng “The Half Sisters” star at “Love Hotline” host na si Jean Garcia ang kanyang kaligayahan ngayong magkakaroon na siya ng apo.
Gayunpaman, gaya ng nakararaming first-time lola, hindi rin daw papayag ang TV host and actress na tawagin siyang “lola” o “grandma” ng magiging anak ng kanyang unica hija.
Sa isang panayam sa GMA News Online at iba pang miyembro ng press sa naganap na press conference para sa first anniversary GMA Afternoon Strip, sinabi ng 45-year-old actress na papapiliin niya na si Jennica ng nais niyang itawag sa kanya ng first baby nito.
“Sabi ko nga kay Jennica, 'Sige, pumili ka na kung ano ang itatawag sa 'yo. Kung mommy or mama. 'Yung matitira doon, 'yon na lang ang sa 'kin. Basta huwag lang lola or grandma," natutuwang paliwanag ni Jean.
Ngunit ano pa man ang mangyari, hindi talaga maitago ng aktres ang kanyang pananabik sa pagdating ng kanyang apo.
Aniya, “Madadagdagan ang mga kakikayan at kamalditahan. Isang Jean at isa pang Jennica sa buhay namin.”
A photo posted by Jean Garcia (@chic2garcia) on
Hanga rin daw ang aktres sa simpleng pamumuhay ng kanyang anak at ng asawa nitong si Alwyn Uytingco, na isa rin sa mga kilalang aktor ng henerasyon ngayon.
Bukod umano sa napatunayan nilang kaya nilang buhayin ang isa't isa at handang-handa na silang bumuo ng pamilya, naipakita rin daw ng mag-asawa na sentro ng kanilang relasyon at buhay ang Panginoon.
Mensahe ni Jean sa anak, “I'm very proud of you and Alwyn. Na-prove niyo sa 'kin na talagang hindi ka nagkamali sa desisyon mo na magpakasal. At ngayon, mayroon ka ng pamilya. I'm very proud of you. Proud din ako sa inyong dalawa ni Alwyn kasi ang center ng inyong pamilya ay ang Panginoon. Sobra akong blessed to have both of you in my life.”
“At madadagdagan na tayo ng isang baby so I'm very excited. I will always pray na palagi tayong matibay, na palagi tayong magkakasama, walang iwanan, sama-sama, isang buong pamilya," dagdag pa ng beteranang aktres. — Bianca Rose Dabu/DVM, GMA News