ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Lovi Poe, nagselos nga ba sa kissing scene ni Rocco Nacino at Heart Evangelista?


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Nakatakdang bumida sa upcoming GMA Primetime series na “Beautiful Strangers” sina Heart Evangelista, Lovi Poe, at Rocco Nacino, at ang mga gagampanan nga nilang karakter ay tila maiipit sa isang komplikadong istorya ng pag-iibigan.

Kasunod nito, naging usap-usapan ang magiging reaksyon ni Lovi lalo na't nakatakdang magkaroon ng iilang kissing scenes ang kaniyang boyfriend na si Rocco at best friend na si Heart para sa nasabing teleserye.

Sa panayam ng "Startalk" nitong Sabado, itinanggi ni Lovi na nagseselos siya sa mga eksenang kagaya nito.



Paliwanag niya, “Natutuwa ako kasi nakakatawa silang dalawa, lalo na si Heart. Sobrang awkward niya, siyempre siguro kasi ako 'yung unang naiisip niya kapag kaharap na niya si Rocco. Si Rocco naman, sabi ko, 'Go ahead, babe. Enjoy this. Si Heart Evangelista 'yang hahalikan mo. So galingan mo na 'yan, ha.'”

Kabaligtaran naman ang nararamdaman ni Heart, na kinakabahan at naco-conscious umano sa mga intimate at sweet na eksena nila ni Rocco, lalo na kapag kasama pa sa eksena si Lovi.

Aniya, iniisip na lamang daw niya na obligasyon niya ito bilang artista upang mabawasan ang pagiging awkward niya sa mga eksena. Gayunpaman, mayroon daw isang bagay na hindi maalis ang aktres sa kaniyang isip tuwing hahalikan niya si Rocco.

“Naisip ko, parang kaming dalawa ni Lovi naghalikan na rin,” natatawang kwento ni Heart.

Dagdag pa niya, “Nahihirapan ako. Naco-conscious ako, lalo na kapag 'yung eksena is si Lovi 'yung nakakita sa amin, hindi ko magawa talaga. Pero bilang artista, kailangan mong gawin 'yung trabaho mo. So, iisipin mo na lang talaga na hindi mo siya kilala, na wala kayong nararamdaman na awkward. Pero sa totoong-totoo lang, bilang mas nangingibabaw ang pagkatao ko kaysa sa pagiging artista ko, hiyang-hiya ako at awkward na awkward ako.”

Ang kissing scene rin daw nila ni Rocco ang kaniyang first kissing scene mula nang maikasal siya kay Sen. Chiz Escudero noong Pebrero. “Technically, 'yun ang first kissing scene ko after kong nakasal so parang feeling bad ako,” aniya.

Sa kabila ng mga nakatutuwa at awkward na mga karanasan ng tatlo sa shooting ng “Beautiful Strangers,” hindi naman nila itinanggi na mas napatibay pa nito ang kanialng samahan bilang magkakaibigan.

Ayon kay Heart, “Para sa akin, lalong lumalim ang pagkakaibigan namin kasi ngayong ko lang talaga nakasama si Rocco everyday. Ngayon ko lang siya nakilala. Dati, busy sila, busy si Lovi sa lovelife niya, kaya hindi ko din masyadong nakakasama si Rocco. Ngayon, parang lalo kaming naging close, kaming tatlo.”

Mapapanood na sa August 10 ang “Beautiful Strangers,” sa direksyon ni Albert Langitan, pagkatapos ng “Pari 'Koy.”

Tampok dito ang ilan sa pinakamagagaling na artista sa industriya, kabilang na sina Christopher de Leon, Dina Bonnevie, Benjamin Alves, at marami pang iba. — Bianca Rosa Dabu/DVM, GMA News