Joey De Leon to look for a Yaya Dub among Starstruck hopefuls
Isa ang batikang host at komedyante na si Joey de Leon sa magiging judge sa pinakabagong season ng reality talent search na “Starstruck” sa GMA Network, na magsisimula nang umere sa darating na Setyembre.
Inamin ng 'Eat Bulaga' host na isa sa mga hinahanap niya sa artista hopefuls ang makakapantay sa nagawang phenomenon ni Yaya Dub o Maine Mendoza, ang tinaguriang Dubsmash Queen ng Pilipinas.
Aniya, hindi pa rin siya makapaniwala sa mainit na pagtanggap ng mga manonood sa tambalang Yaya Dub at Alden Richards.
“Nung dumating si Yaya Dub, hindi namin akalain na papatok siya. 'Di ba isa sa kanta nila 'yung ‘God Gave Me You?’? 'Yung kasikatan nila, God-given 'yan Minsan, bumabagsak na lang sa lap mo na gift,” paliwanag ni Joey.
Dagdag pa ng comedian, “Si Yaya Dub, ano ba naman, nagda-Dubsmash lang, pero ang lakas ng dating. So 'yun, didiretsuhin ko na, ang hinahanap ko sa StarStruck ay 'yung malakas ang dating. Kung sino ang malakas ang dating, 'yun ang pagtutuunan ko ng pansin. Tapos saka natin hahanapin kung ano pa puwedeng mabigay niya as far as entertaining people is concerned.”
Umaasa rin daw si Joey na makakita ng namumuong chemistry nang kagaya ng sa pagitan nila Alden at Yaya Dub mula sa pinakabagong Starstruck batch of hopefuls. -NB, GMA News