ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz
Katrina Halili, ‘tinatakasan’ daw ang anak upang makapunta sa taping
By BIANCA ROSE DABU, GMA News
+
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
Ipagdiriwang ng anak ni Katrina Halili na si Katrence o Katie ang ikalawang kaarawan nito sa susunod na linggo, at gaya ng sinumang magulang, hindi makapaniwala ang “Destiny Rose” star sa bilis ng panahon.
Ibinahagi ni Katrina na lumalaki man ang kaniyang anak, nananatili itong sweet at malapit sa kaniya, kaya naman nahihirapan umano siyang iwan ito sa mga pagkakataong mayroon siyang showbiz commitments na dapat puntahan.
"Ayaw niya [humiwalay]. Sobrang sweet. Minsan tumatakas talaga ako. Sabi nila huwag daw tatakas, dapat magpaalam para alam nila na babalik ka. Minsan nagpapaalam ako pero minsan tumatakas ako kasi umiiyak nang matagal. Kawawa naman 'yung bata, so tinatakasan ko na lang. Okay naman din,” kwento ni Katrina sa press conference ng “Destiny Rose” noong Martes.
Upang makabawi sa ginagawa niyang pagtakas paminsan-minsan, sinisiguro ng Kapuso actress na nagkakasama pa rin sila, lalo na kung walang pasok sa ekswelahan si Katie.
Minsan raw ay sinasama niya ang anak sa taping, o nananatili siya sa bahay sa mga araw na walang trabaho.
Ayon kay Katrina, “Kahapon, kasama ko siya sa taping. Ang call time ko 7 a.m. Umalis ako ng 5 a.m., kasama ko na siya ng 5 a.m. Napack-up ako ng mga 2:30 a.m. At least whole day magkasama kami. Happy naman. Pagoda siya."
“Kapag wala akong taping, nasa bahay naman ako. After taping, diretso agad ako sa bahay. Kasi every time na wala akong trabaho, nandoon lang ako sa bahay, nandoon naman si Katie,” dagdag pa niya.
Matapos ang pagganap niya sa GMA Primetime series na “The Rich Man's Daughter,” kabilang naman ngayon si Katrina sa star-studded cast ng transgender series na “Destiny Rose,” na pagbibidahan ng Kapuso actor na si Ken Chan.
Bibida rin sa naturang teleserye sina Manilyn Reynes, Jackie Lou Blanco, Michael de Mesa, Joko Diaz, Sheena Halili, Katrina Halili, Fabio Ide, Ken Alfonso, Jeric Gonzales, JC Tiuseco, at marami pang iba.
Mapapanood na ang “Destiny Rose” sa GMA Afternoon Prime simula September 14. — RSJ, GMA News
Tags: katrinahalili
More Videos
Most Popular