ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Mga sikreto ng tagumpay sa showbiz, ibinahagi


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Ibinahagi na noong Sabado ang mga sikreto ng ilan sa mga pinakasikat na artista ng Pilipinas. Masaya pa ang ilan sa kanila nang "mabunyag" ang mga sikreto nila sa tagumpay.

Walang diary o matagal nang nawala o naitagong liham. Ang mga formula at elemento para sumikat ay nakapaloob sa isang bagong limbag na aklat: "Sisikat Din Ako! Your Guide To Making Your Mark In Show Business."


Kuha ni Earl Rosero

Naroon sa star-studded book launch ng Anvil Publishing sa 36th Manila International Book Fair (MIBF) sina Ryan Agoncillo, Martin Nievera, Iza Calsado, Sandy Andolong, Christopher de Leon, director Jose Javier Reyes, direktor Rowell Santiago, at “Kuya Germs” German Moreno.




--Earl Rosero


Dumalo rin sina Senator Bam Aquino at Atty. Eugenio “Toto” Villareal na chairman ng Movie and Television Review and Classification Board.

Pagpupugay ang iginawad kay National Artist Bienvenido Lumbera, na kasama pati ang ilang miyembro ng kanyang pamilya. Itinuturing ni Noel na ama at mentor si Lumbera.

Handog ng batikang talent manager na si Noel D. Ferrer sa mga sumisibol, pasikat pa, nagbabalak, at mga darating na henerasyon ng mga artista dahil ipinagdiriwang niya ang kanyang 25 taon  sa showbiz.

Sa tulong ng ilang mga kaibigang alagad ng sining sa akademiya at media, masusing kinalap at sinulat ni Noel ang kasaysayan ng show business sa bansa at ang ibat-ibang salaysay ng ilang tanyag na artista ukol sa kanilang naging landas sa buhay at patungo sa kasikatan.

Isinalaysay, halimbawa, sa “passion project” ni Noel ang mga turning points sa careers nina Dingdong Dantes, Ryan Agoncillo, Judy Ann Santos.

Updated sa showbiz happenings ang aklat dahil pati kasalukuyang pagsikat nina Alden Richards at Maine Mendoza ay tinalakay.

Ang aklat ay puno ng payo para sa mga artista, gusto maging artista, mga talent managers, talent scouts, at kahit mga simpleng interesado lamang sa kung paano ang mga galaw sa industriya ng showbiz.

Kabilang sa mga naghayag ng kanilang mga kuwento at payo para sa aklat sina Mark Herras, Sam Concepcion, Jerome Ponce, Denise Lurel, at Kris Bernal.

Nakapaloob din sa aklat ang ilang tribute kay “Kuya Germs”,  “Mother Lily” Lily Yu Monteverde, “Boss Vic” Vic del Rosario, “Mr. M” Johnny Manahan, at “Mr. T.” Tony Tuviera.

Isang mahalagang bahagi ng aklat ay “Appendix D” A Star's Worksheet—na hihimukin ang artista na pagnilayan nang maigi at masusi ang mga bagay na mahalagang matanto para makita ang landas patungo sa tagumpay.

Kakaiba ang disensyo ng aklat. Ang cover at ilang mga pahina sa loob nito ay coloring book ang konsepto.

Ayon kay Noel, walong buwan ang ginugol upang magawa ang aklat at dalawang buwan dito ay sa mismong pagimprenta.

Inihahanda na ang Filipino version ng aklat na inaasahang malimbag sa loob ng mga susunod na dalawa o tatlong buwan.  — LBG, GMA News