What is Alden Richards’ ideal girl like?
Kasabay ng kaniyang tuloy-tuloy na pagsikat bilang bahagi ng phenomenal love team na AlDub, maraming kababaihan ang nahuhumaling sa kagwapuhan at pagiging gentleman ng Pambansang Bae na si Alden Richards.
Aminado ang binata na single siya ngayon, at sa naunang panayam sa Tonight with Arnold Clavio, ibinahagi niya ang mga katangian na hinahanap niya sa isang babae.
“Siyempre, understanding po. Basta naiintindihan po ‘yung trabaho ko, and mabait at maalaga. Okay na po sa akin. Bonus na lang po siguro kung maganda at sexy,” paliwanag ni Alden.
Sinabi rin ng Kapuso heartthrob ang ilan sa mga itinuturing niyang "turn off."
Aniya, “Ayaw ko po ng masyadong maarte at saka ‘yung may bad hygiene, at saka ‘yung madaldal. 'Yung kapag nagalit, parang armalite ‘yung bibig."
Sakaling may mapusuan umano ang binata, hindi raw malalayo ang kaniyang gagawing panunuyo sa napapanood ng mga Pilipino ngayon sa Kalyeserye.
Tradisyonal rin umano si Alden sa totoong buhay, at kahit na hindi na nanghaharana, sisiguraduhin pa rin daw niya na makakabisita siya sa bahay ng babae at makikilala niya ang pamilya nito.
“Uso pa ‘yan! Dapat gentleman lagi ang lalaki. Siya ang maghahanap ng way para makilala ang isang babae," ayon kay Alden.
Dagdag pa niya, “Hindi na po ako nanghaharana pero pumupunta-punta sa bahay, bisita-bisita kay Mommy at Daddy tapos text-text kagaya ng 'Good morning!', mga ganyan.”
Sa oras na mapaibig niya ang babae, "all out" daw kung magmahal si Alden dahil nasa lahi na raw nila ito.
Naniniwala rin daw siya na hindi niya kakayanin ang long-distance relationship, at hindi rin daw siya sang-ayon sa live-in at pre-marital sex.
“Kailangan bago muna ang lahat, marriage. Marriage muna bago mag-live in o magkaroon ng anak," ayon sa Pambansang Bae. — Bianca Rose Dabu/BM, GMA News