Filtered By: Showbiz
Showbiz

Allan K. on secret to being a good comedian: ‘Wala akong nerbiyos’


Isa ang Eat Bulaga Dabarkads na si Allan K. sa mga pinakakilalang komedyante sa Pilipinas mula nang makilala siya sa telebisyon bilang ang Pambansang Ilong.

Ngunit gaya ng ibang artistang nagtagumpay sa industriya, marami ring pinagdaanang pagsubok si Allan bago siya maging isang businessman, mentor, at sikat na stand-up comedian.

Mula Bacolod City sa Negros Occidental, napag-desisyunan niyang pumunta sa Maynila upang tuparin ang pangarap na maging isang sikat na singer. Aniya sa panayam ng Tonight with Arnold Clavio, “Ultimate dream na namin noong araw 'yung magkaroon ng 45 RPM record.”

Gayunpaman, natuklasan niya na hindi sapat ang talento upang magtagumpay sa showbiz, kaya naman naisipan niyang solusyonan ang agaw-pansin niyang ilong sa pamamagitan ng pagpapatubo ng bigote.

Kwento ni Allan K., “Noong una kong dating sa Maynila, akala ko kapag may talent ka, okay na. Kailangan pala may hitsura rin. Ang nagsisikatan noon sila Martin Nievera, Gary Valenciano. Sabi ko, 'Patay. Anong laban ko sa mga tisoy na ito. Ang popogi.' Nagpatubo ako ng bigote, para bago tumingin sa ilong, sa bigote muna.”

Naging singer ang Eat Bulaga star sa The Library at mula sa mahabang oras niyang inilalagi sa entablado sa gitna ng bawat set, natuto siyang magkuwento.

Aniya, nasanay man siya sa pagkanta na ginagawa na niya mula pagkabata, dito raw lumabas ang natural niyang talento sa pagiging stand-up comedian.

“Natuto akong mag-kwento. Tapos ang mga kwento pala, hindi puwedeng seryoso lang. Kailangan may patawa. Natuto akong mag-stand up, magkuwento ng nakakatawa. Tapos nakapanood ako ng comedy na walang ginawa ang bida kundi okrayin ang sarili niya. Sabi ko, 'Ang galing. Gusto ko 'yan.'” kwento ng komedyante.

Dagdag pa niya, “'Yun ang inaral ko, kung paano okrayin ang sarili ko. Kaya kung napapanood niyo ako, hindi ako nango-okray ng ibang tao. Laging sarili ko lang.”

Ngunit, kahit na tinatangkilik ang kaniyang shows, nag-desisyon si Allan na magpunta sa Japan dahil mas madali umanong kumita ng pera doon. Tuloy-tuloy ang pagiging entertainer niya sa Japan, hanggang sa bumalik siya sa Pilipinas noong 1994 upang mag-bakasyon.

Sa pag-uwi niyang iyon dumating ang pinakamalaking oportunidad na makakapagpabago ng kaniyang buhay.

“In 1994, umuwi ako noong December. Magbi-birthday lang ako, Christmas, New Year, tapos babalik na ako ulit ng Japan. Pagdating ko sa Maynila, tumawag 'yung Eat Bulaga sa The Library, kay Mamu Andrew de Real. Ang sabi, 'Nandiyan ba si Allan K.?' Nandoon ako pero hindi ako naka-set. Tapos tinanong kung puwede ba akong sumampa. So, pinapunta sila,” kwento niya.

Dagdag pa rito, “Ang dami! Mga 30 yata sila—sina Mr. Tuviera, sina Joey de Leon, Malou Choa-Fagar. Pero hindi ako natakot. 'Yan talaga ang problema ko hanggang ngayon—wala akong nerbiyos. Noong una akong nagbato ng punchline at natawa sila, sabi ko sa sarili ko, 'Patay kayo sa akin.'”

Mula noon, nakilala na si Allan K. bilang isang magaling na host at komedyante.

Noong 2001, nanalo siya bilang Best Male Variety TV Host sa PMPC Star Awards for TV, at nasundan pa ito ng kaniyang solo concert sa Araneta Coliseum noong 2003 na  tinawag na 'The Big Nose at The Big Dome' at dinagsa ng kaniyang mga tagahanga.

Marami na rin siyang natulungang baguhang komedyante sa pamamagitan ng kaniyang comedy bar na Zirkoh.

Aniya, isa raw sa mga itinuturing niyang role model sa industriya ang batikang TV host and comedian na si Joey de Leon.

Paliwanag ni Allan, “Gusto ko ang wit niya. Parang si Joey nga yata ang original na stand-up comedian. Impromptu, ang daming naiisip na jokes.”

“Gusto ko rin ang mga panuntunan niya sa buhay. Sa kaniya ko narinig na 'wag ikalaki ng ulo mo ang kasikatan sa showbiz dahil ang show business ay parang office work—bukas o makalawa, puwede kang alisin sa trabaho. Kaya 'wag kang magmalaki,” dagdag pa niya. — Bianca Rose Dabu/BM, GMA News