Filtered By: Showbiz
Showbiz

Kris Aquino apologizes for controversial ‘sunburn’ post


Humingi ng paumanhin ang host-actress at presidential sister na si Kris Aquino dahil sa isang Instagram post na ikinagalit ng netizens, kung saan sinabi niyang "quits"na siya sa mga commuter na nahirapan noong nakaraang linggo dahil na-sunburn umano siya habang inililibot ang APEC First Ladies sa Intramuros.

Matatandaang naging mahirap ang pagpasok sa trabaho para sa ilang Pilipino dahil sa traffic na dulot ng pagbisita ng mga pinuno ng iba't ibang bansa sa Pilipinas para sa Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit 2015.

Sa isang Instagram post noong Huwebes, ikinuwento ni Kris na na-sunburn ang kaniyang likod at balikat at naging tampulan umano ito ng tukso at tawanan dahil naging kahugis ito ng lace back pattern ng gown na kaniyang isinuot.

Dagdag pa sa kaniyang caption, "Quits na tayo sa lahat ng nahirapan mag commute these past few days, patas ang mundo, patche patche naman ang balat ko."

Marami ang nagalit sa pahayag na ito, at tinawag na "insensitive" ang pagkumpara ni Kris sa kaniyang sunburn at sa hirap na dinanas ng commuters.

Sa kaniyang post nitong Biyernes, humingi ng paumanhin si Kris sa nasabi niya na ikinagalit ng marami.

Paliwanag niya, "I humbly apologize for my failed attempt at self-deprecating humor Thursday night that came across as being spoiled and insensitive. I'm sorry."

 

 

Have a wonderful, stress free, love filled weekend ahead of you. #LoveLoveLove ??????

A photo posted by Kris Aquino (@withlovekrisaquino) on

 

— Bianca Rose Dabu/BM, GMA News

Tags: krisaquino