ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Marian Rivera talks about 18-hour labor with firstborn Maria Letizia


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Sa kauna-unahang pagkakataon matapos niyang manganak nitong nakaraang linggo, nagpaunlak ng phone interview si Kapuso Primetime Queen Marian Rivera sa "Sunday Pinasaya," kung saan siya naging bahagi bilang si Judge MD.

Hindi maitago ng Kapuso actress ang kaniyang saya sa pagdating ng unang anak nila ni Kapuso Primetime King Dingdong Dantes.

Pagbabahagi niya, 18 oras ng labor ang pinagdaanan niya bago maipanganak sa pamamagitan ng normal delivery si baby Maria Letizia.

“Alam mo ‘yung pakiramdam na hindi mo maipaliwanag, na pag tinititigan ko ‘yung anak ko parang, ‘Wow, thank you Lord. Binigyan niyo ako ng napakasayang biyaya na walang kapantay talaga,” ayon kay Marian.

Dagdag pa niya, “Kahit anong hirap pag nakita mo na siya talagang priceless talaga."

Hindi na rin pinalampas ni Marian ang pagkakataon upang makapagpasalamat sa lahat ng nagpahayag ng kanilang suporta at pagmamahal para sa kanilang pamilya, at sa lahat ng nagdasal para sa kanila ni Maria Letizia.

“Gusto ko rin kunin ‘yung pagkakataon na magpasalamat sa lahat ng nagdasal para sa aming dalawa ng anak ko, na maging safe kaming dalawa. So thank you rin. Malaking tulong talaga na nakaya ko ang pagle-labor,” pahayag ng Kapuso star.

Samantala, ibinahagi naman ng Comedy Concert Queen at matalik na kaibigan ni Marian na si AiAi Delas Alas na kamukhang-kamukha raw ng Kapuso Primetime Queen ang kanilang panganay na anak.

Isa si AiAi sa mga unang nakakita kay Maria Letizia matapos siyang padalhan ng litrato ni Marian.

Hati man daw ang nakuhang features ng bata mula sa kaniyang mga magulang, mas kamukha raw nito ang Kapuso actress, lalo na sa ilong nito.

Hiling ni AiAi para kay Marian, "Wish ko na sana ay i-enjoy mo ‘yang motherhood mo. Of course, i-enjoy mo si Baby Zia dahil ang sarap-sarap maging nanay ‘di ba. Pagpasok mo pa lang doon sa kwarto mo, tapos ang bango-bango. Amoy baby, amoy powder.”

"Sana din ay makabalik ka na rito sa amin dahil na-miss ka na namin," dagdag pa niya.

Siniguro naman ni Marian na makakabalik siya bilang Judge MD sa "Sunday Pinasaya."

Aniya, "Papanoorin ko na lang muna kayo every Sunday. Pero oo naman, babalik din si Judge MD, abangan nila ‘yan… hindi ko nga lang alam kung kailan, ha.” — Bianca Rose Dabu/BM, GMA News