Filtered By: Showbiz
Showbiz
BEFORE THE MUCH-AWAITED WEDDING

A look back at the Vic Sotto-Pauleen Luna love story


Inaabangan na ng lahat ang kasalang Vic Sotto at Pauleen Luna mula nang kumpirmahin ng batikang “Eat Bulaga!” host ang kanilang engagement noong September 2015.

Magiliw na ibinabahagi nina Bossing at Pauleen ang kanilang paghahanda, kabilang na ang pagpapagawa ng wedding gown, food tasting para sa wedding reception, at maging ang pamimili ng mga makakabilang sa kanilang wedding entourage.

Ayon sa magkasintahan, magiging intimate at private raw ang kanilang kasal, kaya naman hanggang ngayon ay hindi pa rin nila ibinabahagi ang date at venue nito. 

Bago maganap ang kasalang Vic at Pauleen, na inaasahan ngayong unang bahagi ng 2016, balikan natin ang pag-iibigan ng dalawa, na naging matibay sa kabila ng mga hinarap na kontrobersiya at panghusga mula sa maraming tao.

Matatandaang taong 2011 nang magsimulang kumalat ang usap-usapang may namamagitan na sa dalawang “Eat Bulaga!” hosts matapos silang magsama sa pelikulang “Enteng Ng Ina Mo.”

Hindi ito kinumpirma o itinanggi ng dalawa, ngunit agad na lumabas ang mga negatibong komento hinggil sa malaking agwat ng kanilang edad.

Dahil dito, hindi na napigilang maglabas ng pahayag ng ina ni Pauleen na si Mrs. Chat Luna, kung saan niya sinabing, “Since her start in this industry, she has but one goal—that is to enjoy what she loves the most—acting and hosting. What she earns from this profession comes secondary to her passion. That is why it pains her and us as well to hear that she is using someone else for financial gains…”

"She is a very simple lady with simple wants and needs. She has been smart in ensuring that her future is secured through her investments. We would like to extend our regrets to Mr. Vic Sotto for being dragged in this issue. We respect his show of interest with Pauleen and trust that whatever she decides regarding this matter will be for the best of everyone," dagdag pa niya.

Vic confirms relationship with Pauleen

Taong 2013 naman nang tuluyan nang inamin ni Bossing sa publiko ang relasyon nila ni Pauleen.

Sa isang talk show, tinanong ng host si Vic kung anong pangalan ang nakasulat sa kaniyang puso, at sinagot naman ito ng batikang TV host-actor ng “Pauleen.”

Aminado naman si Pauleen na kinilig siya sa ginawang pag-amin ng kasintahan, ngunit hindi pa rin humupa ang kontrobersiyang kinaharap nila, at maging ang pagdududa mula sa mismong kapamilya ng aktor kaugnay sa maaaring maging epekto ng 34-year age gap sa kanilang relasyon . 

Ayon kay Danica Sotto, “Ayokong magsinungaling. Nung una, parang medyo nakakailang 'yung edad... I will just continue to pray kung ano ang will ni God para sa kanila. And we'll continue to respect them and be there also for my dad." 

Para naman sa dating asawa ni Vic na si Dina Bonnevie, “Sabi ko, ‘Alam mo, Vic, kaya nasasaktan yung mga bata kasi mas bata pa sa kanila. Parang, ewan ko, ha? Look after your future. Baka naman pag sixty-five ka na, at masakit na yung mga tuhod mo, uugud-ugod ka na, e, gusto pang pumarty nung isa? Ang layo masyado ng agwat.’” 

Gayunpaman, pinatunayan ng magkasintahan na matibay at tunay ang kanilang pagmamahalan, kaya naman kalaunan ay naging mapayapa rin ang kanilang relasyon. 

Paliwanag ni Pauleen, sinisiguro nilang ang Panginoon ang laging nasa sentro ng kanilang relasyon, at hindi na lamang nila pinagtutuunan ng pansin ang mga komento tungkol sa malaking agwat ng kanilang edad dahil “age is just a number.”

Suportado rin daw sila ng pamilya ng Kapuso host-actress kaya naman hindi na rin nadagdagan pa ang problema nila bilang magkasintahan.

“Ang nasa gitna ng relasyon namin is God talaga kaya that’s just a number for us. We respect each other equally. Pareho naming binibigyan ng importansiya ang pananaw ng isa’t isa, so I don’t think problema ang numero ‘pag dating sa ganyan,” aniya.

Kasabay ng unang bahagi ng 2015, nagkaroon ng pagkakataong magkita si Pauleen at Dina sa set ng noontime show na “The Ryzza Mae Show,” at dito nga sila pormal na nagkakilala at nagkausap sa kauna-unahang pagkakataon.

Ayon kay Dina, bumilib raw siya hindi lamang sa kagandahan ng loob ni Pauleen at sa respetong ipinakita nito sa kaniya, kundi maging sa tibay ng pagmamahal nito para kay Vic, na napatunayan niya sa pagdaan ng ilang taon. 

Kuwento niya, “Sa akin, very bold na lumapit siya, maayos naman and I commend her for that. Parang wow, hats off ako. Hindi ka natakot na lumapit sa akin at nagpakilala ka. And right after that naman, nag-text siya kay Danica na, ‘Hey, I finally met your Mom, great woman, galing.’” 

Taking it to the next level

Mula nang magkaayos na ang pamilya ni Bossing at si Pauleen, naging maganda na ang takbo ng relasyon ng dalawa.

Nitong September 2015 nga, masayang inamin ni Vic na engaged na sila ni Pauleen at nakatakdang magpakasal sa unang bahagi ng susunod na taon. 

Simula noon, naging hands-on na ang dalawa sa paghahanda para sa kanilang kasal, at nakasama rin nila ang kani-kanilang pamilya at mga mahal sa buhay sa blessing ng kanilang magiging bahay matapos ang kanilang kasal.

Naganap ang naturang house blessing nitong unang araw ng 2016, at pinangunahan ito ng kanilang paboritong pari at mentor na si Father Jeffret Quintela. 

Sa ngayong, tila handang-handa na ang kasalang Vic at Pauleen—mula sa bridal photoshoot, wedding gown, wedding invitations, wedding ceremony at reception, at wedding enourage.

Hindi man magiging bahagi ang buong Pilipinas sa kanilang espesyal na araw dahil na rin sa kanilang kahilingang gawing pribado ito, masaya naman ang lahat ng mga tagahanga, kaibigan at kapamilya ng magkasintahan sa panibagong landas na tatahakin nila nang magkasama.

Matapos ang apat na taon nilang relasyon bilang magkasintahan, sabik na ang lahat na makita sina Bossing at Pauleen bilang ang pinakabagong Mr. and Mrs. Sotto. — AT/GMA, News