Anak ni Kuya Germs na si Federico Moreno, naging emosyonal sa special tribute ng 'Walang Tulugan'
Ilang araw matapos ang pagpanaw ng Master Showman at batikang host-actor na si German “Kuya Germs” Moreno, hindi pa rin maiwasan ng kaniyang unico hijo na si Federico Moreno ang maging emosyonal sa tuwing ginugunita ang alaala ng kaniyang ama.
Sa special tribute ng “Walang Tulugan” nitong Linggo, ibinahagi ni Federico ang mga huling sandaling kapiling niya ang ama.
Aniya, nahirapan daw siyang tanggapin ang pagkawala ni Kuya Germs, at matagal bago siya tuluyang bumitiw mula sa pagkakayakap sa mga labi nito.
“Noong nasa ospital, they were stopping me. 'Tama na, let's go na,' sabi nila sakin. Sabi ko, 'I want to hug him pa. Don't stop me. I just want to hug him.' That's what I said. 'Please don't stop me. I want to hug him.' That's what I miss about him,” kuwento ni Federico.
Tulad niya, nangungulila rin daw ang mga apo ni Kuya Germs na sina Jorell, France, Gabby, at Raffy sa kanilang Papa.
Naging bahagi rin ng naturang tribute ang mga batikang singer na sina Dulce at Pilita Corrales, pati na sina Jake Vargas at ilang “That's Entertainment” alumni tulad nina Jean Garcia, Tina Paner, Sheryl Cruz, at marami pang iba.
Nakiramay naman sa burol sina Susan Roces, Ara Mina, Monching Gutierrez, Assunta de Rossi, AiAi Delas Alas, Randy Santiago, Martin Nievera, Lorna Tolentino, Gelli de Belen, Carmina Villaroel, Zoren Legazpi, Gladys Reyes, at mga GMA Executives na sina Atty. Annette Gozon-Abrogar at Felipe S. Yalong.
Dumalaw rin sina Keempee de Leon, Cesar Montano, ang mag-asawang Mariz at Ronnie Ricketts, Alden Richards, Bea Binene, Derrick Monasterio, Kristoffer Martin, Dawn Zulueta, Carmi Martin, at Rita Avila.
Nagpapasalamat si Federico sa pagbuhos ng pagmamahal at pakikiramay mula sa mga nagmamahal sa kaniya ama.
Aniya, “Nung nawala siya, siyempre, it was very tough. Pero I felt better because I knew for a fact na he didn't suffer. The love they have shown my father is really overwhelming. That lessens the burden and the pain.”
Nakatakdang ilipat ang mga labi ng Master Showman sa GMA Network Studios sa Miyerkules ng umaga, kung saan magkakaroon ng public viewing mula tanghali hanggang 5:00 ng hapon.
Sa Huwebes naman ihahatid si Kuya Germs sa kaniyang huling hantungan sa Loyola Memorial Park sa Marikina. — Bianca Rose Dabu/AT, GMA News