Filtered By: Showbiz
Showbiz

'That's Entertainment' alumni pay tribute to Kuya Germs in 'Walang Tulugan'


Ilang araw lamang matapos ihimlay ang mga labi ng namayapang Kapuso host-actor na si German “Kuya Germs” Moreno, nagsama-sama muli ang kaniyang mga anak-anakan sa showbiz upang magbigay-pugay sa kaniyang mga alaalang iniwan bilang isa sa mga itinuturing na haligi ng industriya.

Nagsama-sama sa episode ng “Walang Tulugan with the Master Showman” nitong Sabado ang ilan sa mga naging bahagi ng youth-oriented talent and variety show na “That's Entertainment” para sa isang tribute sa nag-iisang Master Showman na itinuring na nilang tatay-tatayan sa showbiz.

Kabilang na rito sina Gladys Reyes, Vina Morales, Smokey Manaloto, Keempee de Leon, Jennifer Sevilla, Melissa Silvano, Ellie Rose Apple, Paolo Escudero, Ivy Isidoro, GB Sampedro, Don Umali, Romnick Sarmenta, at marami pang iba.

 

 

That's Entertainment Reunion! #wednesdaygroup #thursdaygroup

A photo posted by Gladys Reyes-Sommereux (@iamgladysreyes) on

 

 

Reunited Thursday group of That's Entertainment

A photo posted by Gladys Reyes-Sommereux (@iamgladysreyes) on

Bukod pa riyan, napanood rin sa “Walang Tulugan” ang Superstar at “Little Nanay” actress na si Nora Aunor bilang isa sa mga co-host ng programa.

Matatandaang sa kaniyang talumpati ilang sandali bago ihimlay si Kuya Germs sa kaniyang huling hantungan sa Loyola Memorial Park, sinabi ni Nora na handa siyang ipagpatuloy ang mga naiwang programa ng batikang showbiz personality

“Nakahanda po akong gawin ang mga ginagawa niya dahil alam kong mahal na mahal niya ang mga show na 'yun,” aniya.

Dagdag pa ni Ate Guy, “Kung hindi po aalisin ang show, gusto ko pong ako ang magpatuloy ng show niya, para matupad at maipagpatuloy ang kagustuhan niyang tulungan ang mga kabataang gustong pumasok sa industriya at maipakita ang kanilang talento. Puwede rin akong mag-radyo para kay Kuya Germs.”

Hindi pa man pinal ang pagiging kabilang ng Superstar sa “Walang Tulugan,” maraming tagasubaybay ng programa ang natuwa sa kaniyang guesting at nagsabing karapat-dapat siyang pumuno sa naiwang lugar ni Kuya Germs.

 

Mukhang hindi kinakaya ni Shalala ang Superstar! Malapit niyo nang mapanood ang special tribute namin kay Tatay Germs sa #WalangTulugan!

Posted by Walang Tulugan With The Master Showman on Saturday, January 16, 2016

 

— Bianca Rose Dabu/AT, GMA News