‘Heneral Luna’ John Arcilla gives advice to young actors: ‘Make a mark’
Matapos siyang bumida sa hinangaang historical biopic na “Heneral Luna,” nakatakda namang sumabak sa comedy ang batikang aktor na si John Arcilla sa pinakabagong GMA Primetime series na “That's My Amboy.”
Kabilang sa mga makakasama ni John sa naturang teleserye ang Kapuso loveteam na sina Barbie Forteza at Andre Paras, pati na ang iba pang young Kapuso artists na sina Kiko Estrada, Jazz Ocampo, Pam Prinster, at marami pang iba.
Sa naganap na grand press conference ng naturang programa, inamin ng aktor na bilib siya sa mga batang artista ngayon dahil sa kanilang dedikasyon at galing sa pag-arte.
Gayunpaman, madalas rin umano niyang ipinaaalala na gaya ng lahat ng bagay, may katapusan rin ang showbiz career na kahit na sino.
Aniya, upang mapatagal ang karera sa industriya, kinakailangang gumawa ng marka ang isang artista.
“Siguro, sa ngayon, sa sobrang daming gustong mag-artista, minsan lulubog-lilitaw. Ang bilis ng magkaroon ng bagong artista, at ang bilis rin nawawala. Ang akin lang, siguro kapag nag-uumpisa ka, you have to work on being yourself, but of course, you have to make a mark,” paliwanag ng aktor.
Dagdag pa niya, “Ano 'yung kakaiba sa iyo? Kasi maraming maganda, maraming guwapo, and every other three months napapalitan sila. So, make a mark. Hanapin mo sa sarili mo 'yung isang bagay na ikaw lang makakagawa, or magma-mark sa lahat ng audience, na magsisilbing staying power mo.”
Bukod kay John, bibida rin sa “That's My Amboy” sina Donita Rose, Meryll Soriano, Jerald Napoles, TonTon Gutierrez, at marami pang iba.
Mapapanood na ang pinakabagong GMA Primetime series simula January 25 pagkatapos ng “Little Nanay.” — Bianca Rose Dabu/AT, GMA News