Jennylyn Mercado works on new film with John Lloyd Cruz
Matapos ang tagumpay ng pelikulang “Walang Forever” sa nagdaang Metro Manila Film Festival 2015, nakatakda namang bumida sa panibagong pelikula ang Kapuso actress at MMFF 2015 Best Actress na si Jennylyn Mercado.
Sa isang Facebook post, ipinasilip ni Jennylyn ang behind-the-scenes photo nila ng aktor na si John Lloyd Cruz.
Kaakibat ng naturang larawan ang caption na “Surprise!”
Surprise! ♥ #Movie #StarCinema
Posted by Jennylyn Mercado on Sunday, February 7, 2016
Hindi pa nagbibigay ng karagdagang detalye sina Jennylyn at John Lloyd, ngunit tila abala na nga sila sa shooting ng unang pelikulang pagsasamahan nila.
Ayon sa Instagram post ng Kapuso actress, naganap ang kanilang shooting sa Mawing Village sa San Fernando, Pampanga.
Matatandaang naging matagumpay ang pagtatambal nina Jennylyn at Jericho Rosales sa “Walang Forever,” na naging daan upang makuha nila ang Best Actress at Best Actor Award sa MMFF noong nakaraang taon.
Ito na ang ikalawang beses na napanalunan ni Jennylyn ang Best Actress Award, matapos itong maibigay rin sa kaniya noong 2014 para naman sa pelikulang “English Only, Please,” kung saan nakasama niya si Derek Ramsay. — Bianca Rose Dabu/DVM, GMA News