ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Marian Rivera wants three to four more babies with Dingdong Dantes


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

 

Hindi maikakailang labis ang kaligayahan nina Kapuso Primetime King and Queen Dingdong Dantes at Marian Rivera sa pagdating ng kanilang panganay na anak na si Maria Letizia noong Nobyembre ng nakaraang taon.

Kuwento ni Marian sa naganap na press conference nitong Martes, “Iniisip lang namin noong kinasal kami na sana magkaroon kami ng anak, tapos ngayon mayroon na. At 'yung anak pa namin, napaka-jolly, tawa nang tawa. Ang sarap sa pakiramdam. Ito ang totoong buhay para sa akin—ang magkaroon ng buong pamilya.”

Pangarap raw ng Kapuso actress na magkaroon ng malaking pamilya dahil lumaki siyang unica hija.

Ayon kay Marian, nais niyang masundan si Zia ng tatlo o apat pang mga kapatid.

Gayunpaman, itutuon muna ng aktres ang kaniyang oras at atensyon sa kaniyang panganay, na magta-tatlong buwan pa lamang ngayong Pebrero.

“Pahinga muna kami ng two years, tapos bubuo kami ng kapatid ni Zia. Pangarap ko 'yun. Gusto ko ng maraming anak. Gusto namin ng apat o lima.,” aniya.

Dagdag pa ng Kapuso Primetime Queen, “Pero ayoko pa ngayon kasi kapag nabuntis ako ulit, marami na namang gamot na iinumin. Baka hindi ko na maalagaan 'yung anak ko. Gusto ko 'yung age gap nila, tipong ate na talaga si Zia. Gusto ko lahat sila may atensyon na nabibigay naming mag-asawa. Mahirap kapag sunod-sunod. Two years age gap siguro.”

Sa ngayon, hands-on parents sina Dingdong at Marian kay Baby Zia, at patuloy rin ang pagiging breastfeeding mom ng aktres sa kaniyang panganay.

Kuwento ni Marian, marami raw ang ipinagbago ng kaniyang asawa mula nang ipanganak ang kanilang unica hija.

Aniya, “Uwi nang uwi nang bahay. Titignan lang 'yung anak niya!”

“Nakakatuwa. Noong una, hindi niya pa mahawakan kasi natatakot siya. Sabi ko, 'Anak mo 'yan. Kaya mo 'yan.' Hanggang sa nasanay siya. Kaya niya nang kaming dalawa ang magpaligo and everything,” dagdag pa ng aktres.

Nagpapasalamat si Marian na buong-buo ang suporta sa kaniyang ng kaniyang mister, at nagagawa nilang maging mabuting mga magulang nang magkasama.

Lahat raw ng pinagdaraanan nilang mag-asawa ngayong mga magulang na sila ay kinakaya nila at nae-enjoy pa dahil sa magandang “teamwork” o pagtutulungan.

Paliwanag ng aktres, “Secret talaga 'yung partnership, 'yung pagsasama namin ni Dong. All the way ang suporta niya sa akin. Siya pa 'yung nagsasabi sa akin na 'Oh, mag-rest ka naman.' Sobrang suporta niya talaga.”

“Give-and-take kaming dalawa, at naa-appreciate niya 'yung ginagawa ko para sa anak ko. Naiyak ako isang beses nung sinabi niya sa akin na 'Thank you sa pagiging mabuting ina para sa anak natin,' kuwento pa niya.

Bukod sa nakatakdang pagbalik niya sa “Sunday Pinasaya” ngayong darating na Linggo, bibida rin bilang Inang Reyna si Marian sa inaabangang 2016 remake ng Kapuso fantaserye na “Encantadia.”

Malapit na ring bumida ang Kapuso Primetime Queen sa sarili niyang talk show ngayong taon. -Bianca Rose Dabu/NB, GMA News