Filtered By: Showbiz
Showbiz
NO GIRLFRIEND SINCE BIRTH

Jeyrick ‘Carrot Man’ Sigmaton reveals the qualities of his dream girl


Bumisita sa Unang Hirit nitong Lunes ang social media sensation na si Jeyrick Sigmaton o “Carrot Man” para sa kauna-unahang live interview sa telebisyon matapos maging viral ang kaniyang larawan dahil sa kaniyang pagkakahawig sa ilang artista.

Kuwento ni Jeyrick, nalaman niya lamang na kumakalat na sa social media ang kaniyang larawan nang pumunta sa kanilang bahay ang Vice Mayor ng Barlig, Mountain Province.

“Pumunta po ‘yung Vice Mayor dun sa pinagtatrabahuan namin. Walang signal doon. Sabi niya, 'Ganito, kumakalat na 'yung picture mo,'” aniya.

Ayon naman sa lolo ng binata na si Pio Cupasan sa panayam ng nasabing programa, “We are shocked. We don’t expect these things to happen. We don’t really have those celebrities in our place kaya ngayon, for us, this is an opportunity.”

Ngayong nasa Maynila si Jeyrick at tumatamasa ng kasikatan, nais raw niyang makita ang “WowoWin” host na si Willie Revillame.

Nang tanungin naman tungkol sa babaeng napupusuan niya, inamin ng binansagang “Carrot Man” na hindi pa siya nagkakaroon ng kasintahan.

Simple lamang raw ang hanap niya sa isang babae: Masipag at maunawain.

Nagpapasalamat si Jeyrick sa mga nag-upload ng kaniyang larawan sa social media, dahil nagkaroon muli ng interes ang mga tao sa Mountain Province at sa mga tulad niyang Igorot.

 

 

Tinuruan pa nina #CarrotMan at ng kaniyang lolo na sumayaw sina Suzi, Susan at Igan! #CarrotManOnUH

A video posted by Unang Hirit (@unanghirit) on

 

Nagpapasalamat rin ang binata sa lahat ng mga sumusuporta sa kaniya at sa mga bakasyonistang nagpapakuha pa ng litrato kasama siya.

“Salamat po sa lahat ng mga sumusuporta sa akin, sa lahat ng nag-like at nag-post ng picture ko. Salamat po,” aniya.

Umani na ng higit sa 43,000 likes ang Facebook fanpage ni Jeyrick, at patuloy pang ibinabahagi ng netizens ang kaniyang larawan sa social media. —Bianca Rose Dabu/KG, GMA News