Sino ang agaw-eksena sa drama exercise nina Yaya Dub at Yaya Pak?
Matapos pomal na ibahagi sa publiko ang nakatakdang pagbida ng phenomenal Kalyeserye stars na sina Maine Mendoza at Alden Richards sa isang pelikula, naging tuloy-tuloy na ang paghahanda ng dalawa para rito.
Bukod sa mga acting workshop kasama ang batikang aktres at direktor na si Gina Alajar, nagkakaroon rin ng mga simple at nakakatuwang acting exercise si Maine sa Kalyeserye ng “Eat Bulaga!”
Nitong Lunes nga, kasama ni Yaya Dub sa isang madramang eksena si Yaya Pak, na ginagampanan ng komedyanteng si Boobay.
Ngunit kasabay ng paulit-ulit na take ng kanilang sampalan, biglang may umagaw ng eksena mula sa dalawang bida.
Habang umiiwas si Yaya Dub sa sampal ni Yaya Pak, biglang may lumabas na manok malapit sa kaniyang paa, na labis na nagpatawa sa mga Dabarkads, sa dalaga, at maging kay Lola Nidora at Lola Tinidora. — Bianca Rose Dabu/RSJ, GMA News