Willie Revillame warns Wowowin fans against scams
Mariing itinanggi ni Willie Revillame na may hinihingi ang sinumang staff ng Wowowin sa mga tao upang makapanuod o makahalok sa kanilang programa.
"Wala po kayong bayaran dito ni singko," aniya, "Huwag po kayong maniniwala na mayroon po kaming staff na nanghihingi (at kailangang) magbigay kayo ng pera. Huwag po kayo magbibigay ng kahit magkanong halaga, kami nga po ang namimigay (ng pera)."
Ibinalita sa 24 Oras nitong Biyernes na may nagpapanggap na talent coordinator mula sa Wowowin na nanghingi ng bayad mula sa mga tao kapalit ng mga t-shirt.
Nabiktima ng scam na ito si Annalisa Pelletero, na pinilit ng isang "Marc" na magbigay ng P5,000 para sa 100 tao na ipinahahakot sa kaniya para manuod ng programa.
Hiningi kay Annalisa ang pera ng Miyerkules at nangako si Marc na susunduin siya at ang kaniyang mga kasama ng Huwebes, ngunit inabot na sila ng hapon ay wala pa ring dumarating.
Ipinapaala ng GMA sa publiko na libre ang panonood ng Wowowin. —NB, GMA News