Alden Richards, Maine Mendoza celebrate 10th monthsary in Italy
Ipinagdiriwang ng AlDub Nation ngayong Lunes ang ikasampung monthsary ng phenomenal Kalyeserye loveteam nina Alden Richards at Maine Mendoza.
Kasalukuyang nasa Italy ang dalawa para sa shooting ng kanilang kauna-unahang solo movie, na inaasahang ipalalabas ngayong taon kasabay ng unang anibersaryo nila bilang isa sa pinakamatagumpay na loveteam sa telebisyon.
Bilang selebrasyon ng kanilang 10th monthsary, nag-post ang dalawa ng mga larawan sa kanila-kanilang Instagram accounts.
Ayon kay Maine sa kaniyang caption, “Through ups and downs.”
“10 mesi e contando (10 months and counting),” sabi naman ni Alden.
Ayon sa artikulong inilabas ng La Provincia, isang Italian news website, kasalukuyang ginagamit ang working title na “Imagine You and Me” para sa pelikulang ginagawa ni Alden at Maine.
Mananatili umano ang loveteam at ang film crew sa Italy hanggang sa pagtatapos ng Mayo. — RSJ, GMA News