In case you missed it: Here’s the first teaser for ‘Encantadia 2016’
Ipinalabas na noong Martes ng gabi ang unang teasers ng ilan sa mga pinakabagong programang handog ng Kapuso Network kasabay ng ika-66 anibersaryo nito, na mayroong temang “Bubuhos ang PaGMAmahal.”
Kabilang na rito ang inaabangang retelling at sequel ng hit Kapuso fantasy series na “Encantadia,” na naunang ipalabas noong 2005.
Ilan sa mga bibida rito ngayong taon sina Glaiza de Castro, Kylie Padilla, Gabbi Garcia, at Sanya Lopez, bilang ang mga Sang'gre na sina Pirena, Amihan, Alena, at Danaya.
Kasama rin sa mga magbibigay-buhay sa kuwento sina Kapuso Primetime King and Queen Dingdong Dantes at Marian Rivera, Ruru Madrid, Rocco Nacino, Klea Pineda, James Teng, Buboy Villar, John Arcilla, Solenn Heussaff, at marami pang iba.
Magbabalik-telebisyon naman si Kristine Hermosa, kasama ang kaniyang asawang si Oyo Boy Sotto, sa upcoming sitcom na “Hay, Bahay,” na pagbibidahan rin nina Bossing Vic Sotto, Comedy Concert Queen AiAi Delas Alas, at ang comedic duo na sina Jose Manalo at Wally Bayola.
Inaabangan na rin ang ilan pa sa mga bagong Kapuso programs, tulad ng “Conan, My Beautician,” “A1 Ko Sa'yo,” at “Sa Piling Ni Nanay.” — Bianca Rose Dabu/LBG, GMA News